SEXUAL HARASSMENT SA ATENEO DE MANILA

SIDEBAR

Noong Martes, Oktubre 15, nagmartsa sa loob ng Ateneo de Manila University campus sa Katipunan, Quezon City ang may 500 mag-aaral at ilang propesor ng AdMU para ikondena ang dumaraming kaso ng sexual harassment laban sa mga estudyante.

Sa harap ng Horacio De la Costa Hall na nagsisilbing administration office nagsagawa ng programa ang mga Atenista hawak ang placards na may mga panawagang: “Sexual Predators Get Out of Ateneo!” at “Ateneo Admin, Stand with Victims.”

Tinawag na “Protest Against Sexual Misconduct and Impunity” ang kilos-protesta at sa mga talumpati ng speakers napag-alaman ang pangalan ng tatlong Ate­neo professors na sangkot sa sexual harassment ng kanilang mga estudyante.

Kabilang sa mga pinangalanan ang isang banyagang assistant professor na naimbestigahan na ng Ateneo hinggil sa reklamong panghihipo sa isang estudyanteng lalaki pero suspensyon lang ng dalawang linggo ang naging kaparusahan ng nasabing “sexual predator” at pagkatapos ay pinayagan mu­ling makapagturo sa uni­bersidad.

Sa isang pahayag, sinabi ng Sanggunian ng mga Paaralang Loyola ng Ateneo de Manila na “the systems put in place in institutions like Ateneo have failed in creating a safe environment for its students, and neglected to uphold the very morals that it aims to instill in its constituents.”

Ayon sa konseho ng mga mag-aaral, lubhang napakaluwag ng administrasyon ng Ateneo sa pagpapataw ng parusa sa mga napapatunayang gumawa ng mahalay ng aktuwasyon laban sa mga estudyante.  “We trust, time and time again, in a system that is supposed to protect the student body from all these abuses, but we see our hopes being shattered by menial punishments and the administration’s short-term memory loss.”

Sa ilalim ng Anti-Sexual Harassment Act of 1995, may karampatang parusa sa mga miyembro ng academe na mapapatunayang nanghingi ng “sexual favors” kapalit ng pasadong grado, scholarship o ibang award o honor sa mga estudyante o kung ang sinasabing “sexual advances” ng mga propesor ay lumilikha ng “intimidating, hostile or offensive environment” sa estudyante.

Kabilang sa kaparusahan ng sexual harassers sa ilalim ng Sexual Harassment Act of 1995 ang pagkabilanggo mula isa hanggang anim na buwan at ang pagbabayad mula P10,000 hanggang P20,000 na danyos depende sa desisyon ng hukuman.

Taong 2017 pa pumutok ang mga balitang sexual harassment sa Katipunan campus ng Ateneo pero ngayon lang nagkaroon ng lakas ng loob ang mga biktima ng mga sexual predator na lumantad at isulong ang mas mabigat na parusa sa mga naturang propesor ng Ateneo.

Kailangang matigil na ang mga kaso ng sexual harassment sa Ateneo dahil walang puwang ang sexual predators sa isang institus­yon ng kaalaman kung saan ang mga matrikulang ibinabayad ng mga estudyante ang pinapasweldo sa mga propesor. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

185

Related posts

Leave a Comment