(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T panay ang paalala ng gobyerno at iba pang organisasyon sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na mag-ingat, hindi pa rin napipigilan ang pagdami ng mga nagkakaroon ng human immunodeficiency virus (HIV) sa kanilang hanay.
Ito ang nabatid sa ACTS-OFW matapos tumaas ng 12% ang nagkaroon ng HIV sa unang anim na buwan ng 2019 o mula Enero hanggang Hunyo matapos umabot ito sa 505 mula sa 451 na naitala sa kaparehong panahon noong 2018.
“The cumulative number of OFWs found living with HIV as of June has reached 6,760 – 5,844 men (86 percent) and 916 women (14 percent) – since the government began passive surveillance in 1984,” ayon sa nasabing grupo.
Nangangamba ang nasabing grupo na papalo sa 7,000 ang bilang ng mga OFWs ng may HIV kapag hindi nag-ingat ang mga kababayan natin habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sinabi ng grupo na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 68,401 Filipino na ang nagkaroon ng HIV mula noong 1984 kung saan 10% sa mga ito ay nagtrabaho sa ibang bansa.
Sa nasabing bilang ng mga OFWs na nagkaroon ng nasabing sakit na karaniwang nakukuha sa pakikipagtalik na walang proteksyon ay 61 sa mga ito ay mula sa Metro Manila, Calabarzon o Cavite, Laguna, Batangas at Quezon province at Central Luzon.
Dahil dito, umapela ang nasabing grupo sa mga OFWs na agad na magpacheck-up pagdating ng mga ito sa bansa upang masiguro na walang sakit ang mga ito at kung mayroon man ay agad na magpagamot upang humaba pa ang kanilang buhay.
“A growing number of Filipinos living with HIV continue to live healthy and productive lives precisely because they are undergoing highly active treatment being provided for free by the government,” dagdag pa ng ACT-OFWs.
Kapag wala umanong medikasyon ang mga HIV patient ay mapapabilis na maging Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) ito na magiging dahilan ng kanilang kamatayan.
179