(NI NOEL ABUEL)
PINAKAKASUHAN ni Senador Richard Gordon ng kasong kriminal at administratibo si Philippine National Police (PNP) Director General Oscar Albayalde hinggil sa kontrobersyal na ninja cops issue o mga pulis na nagre-recycle ng ilegal na droga mula sa mga operasyon.
Sa inilabas na draft committee ni Senate Blue Ribbon Committee chair Richard Gordon, inirekomenda ng komite na makasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Albayalde.
Ito’y dahil umano sa nangyaring iregularidad sa police anti-drug operation noong Nobyembre 2013 sa Mexico, Pampanga kung saan nagsilbing provincial director si Albayalde.
Binanggit ni Gordon ang seniority, moral superiority at competence ni Albayalde at iginiit na hindi siya aabot sa pagiging general kung wala siyang alam sa kontrobersya.
“Hindi naman siya aabot ng general kung wala siyang alam. I think he is very liable,” giit ni Gordon
Maituturing aniyang graft ang pagtawag ni Albayalde kay noo’y PNP Region 3 Director Aaron Aquino at dating CIDG Deputy Chief Rudy Lacadin kaugnay sa kapalaran ng 13 pulis na sangkot sa operasyon dahil tinangka nitong kumbinsihin ang dalawang opisyal.
Inusisa rin umano sana ng hepe ang sitwasyon ng kanyang mga tauhan habang isinasagawa ang raid maging ang mga suspek na naaresto at ang address at may-ari ng bahay na sinalakay at dapat humingi ng detalyadong report sa halip na paniwalaan ang ulat ni Police Major Rodney Baloyo IV.
Sa kabila nito, nakasalalay ani Gordon sa Office of the Ombudsman at Department of Justice kung masasampahan ng kaso si Albayalde.
“He is liable for anti-graft and that would be up to Ombudsman or Department of Justice by reason of his seniority, his moral superiority, his competence,” sabi nito.
Magugunitang nagsagawa ng buy-bust operation si Baloyo at 13 pulis Pampanga na sina Senior Inspector Joven de Guzman Jr.; Senior Police Officer 1 Jules Maniago; Senior Police Officer 1 Donald Roque; Senior Police Officer 1 Ronald Santos; Senior Police Officer 1 Rommel Vital; Senor Police Officer 1 Alcindor Tinio; Senior Police Officer 1 Eligio Valeroso; Police Officer 3 Dindo Dizon; Police Officer 3 Gilbert De Vera; Police Officer 3 Romeo Guerrero Jr.; Police Officer 3 Dante Dizon; at Police Officer 2 Anthony Lacsamana, na pawang miyembro ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force ng Pampanga Provincial Police Office noong Nobyembre 29, 2013 sa Woodbridge Subdivision, Lakeshore View, Pampanga.
Iniulat ng mga ito na nasa 36 kilo ng shabu ang nasabat ng mga ito subalit nang magsagawa ng imbestigasyon si dating CIDG chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong ay natuklasang mahigit sa 200 kilo ang tunay na nasabat na shabu.
Maliban dito, tinangay rin umano ng mga ito ang sinasabing drug lord na si Johnson Lee, isang Korean national at pinakawalan matapos magbayad ng P50M.
161