Pinupuri natin si Land Transportation Office (LTO) Law Enforcement Service Acting Director Clarence Guinto sa pagsakote sa may 12 mga umano’y fixer.
Ngunit maliliit na mga isda po ito, boss. Bakit hindi sipatin ang tunay na malaking isda na matagal nang namamayagpag sa LTO?
Ginoong Guinto, sa kabila ng matinding gigil ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa korapsyon ay hindi niya alintana sa LTO San Juan kung saan patuloy ang pamamayagpag ng sindikato sa loob.
Isang nagngangalang Bong ng LTO San Juan ang kumikita ng minimum P100,000 kada araw at solo niya umano ‘yan. Binabalatuhan lamang niya ang fixer o staff ng LTO ng P500 kada referral.
P2,500 ang singil sa license applicant na nasa 400 katao araw-araw, gayung P1,100 lamang umano ang resibo.
Hayan a, halos P500,000 kada araw ang diretso sa bulsa ng sindikato, ngunit sa impormasyong nakalap ko P100,000 pataas ang napupunta sa kanya. Saan napupunta ang ibang salapi? Kanino inire-remit?
Kahit paano kwentahin, mukhang may napupuntang malaking halaga sa LTO main!
Matagal nang gawain ni Bong umano ‘yan kaya naman sobrang yaman na nito, pati mga fixer tablado nito kaya solo ng sindikato niya ang kita.
Nawawala ang integridad ng isang administrasyon kapag talamak ang korapsyon dito. Katulad na lamang sa nakaraang administrasyon kaya naman wala silang maipagmalaki para sana maiangat ang mga kandidato nito sa pagka-senador. Nawalan kasi ng integridad.
Sa ngayon ay laganap pa rin ang korapsyon ngunit nanatiling popular si Duterte dahil nakikita naman ng lahat ang kanyang pagiging seryoso laban sa korapsyon na mismong kaibigan at malaki ang naitulong sa kanya noong kampanyahan sa pagkapanguluhan ay pinagsisibak niya.
Sana ay kung ang lahat ng miyembro ng gabinete at pamahalaan ay kapareho ni Duterte ay may pag-asang malansag ang mga sindikato ng korapsyon sa buong burukrasya. Kaso hindi.
Hayan, ikaw ang kinakalampag sa pitak na ito Ginoong Guinto dahil naniniwala ang iyong abang lingkod na wala kang kinalaman dito at hindi isang palabas lamang ang pag¬huli mo sa 12 umanong mga fixer.
It’s your call boss, aabangan ng ating mga kababayan ang aksyon mo ukol diyan. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
134