(NI ROSE PULGAR)
NANAWAGAN ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na huwag ipakain sa mga alagang baboy ang mga tira-tirang karne ng baboy lalo na ang mga sumailalim sa proseso upang maiwasan ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF) virus.
Sinabi ng DTI na posible na kontaminado ng ASF ang mga ‘processed pork meats’ tulad ng longganisa, tocino at hotdog na maipapasa sa mga buhay na baboy kung ipapakain ang mga ito.
Ito ay makaraang lumabas ang isang dokumento buhat sa Bureau of Animal Industry na nagpositibo ang mga sampol ng mga pagkaing ito ng ASF virus.
Iginiit naman ng ahensya na hindi makakukuha ng ASF ang tao sa pagkain ng mga ‘processed foods’ dahil sa ang baboy lamang ang nagkakahawahan.
Una namang nananawagan ang grupong Laban Konsyumer nc. at Philippine Association of Meat Processors Inc. sa pamahalaan na maglabas ng dagdag na impormasyon ukol sa mga nakompromisong mga produktong ‘processed pork products’.
Sinabi naman ng Department of Agriculture na sa mga produktong nakumpiska, isang pack lang ang branded habang ang iba ay pawang mga ‘homemade’.
Nagbabantay rin ngayon ang Food and Drug Administration (FDA) sa sinasabing kontaminasyon ng mga ‘processed meats’ at handang magpa-recall kung irerekomenda ng DA.
270