Ayon sa statement ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magsisimula sa araw na ito ang tatlong araw na pansamantalang pagliban ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong linggo.
Ang balita rin namang iyan ay galing mismo kay Senador Christopher “Bong” Go, ang dating top aide ni Duterte.
Nais kasi ng pangulo na makapagpahinga nang maayos dahil mayroon itong iniinda.
Bilang mamamayan ay huwag na muna tayong gumuhit ng espekulasyon. Doktor na rin ni Pangulong Duterte ang nagtagubilin sa kanya na kailangan niyang magpahinga.
Pinagbasehan ng doktor ang iniindang muscular spasm ng pangulo kasunod na rin ito ng nangyaring aksidenteng kanyang natamo sa motor.
Nangyari ang aksidente sa loob ng Presidential Security Group compound sa loob mismo ng Malacañang Complex.
Sa totoo lang, huwag na nating bigyang-kulay ang nararanasan ng lider ng Pilipinas. Iyan naman na ang sabi ng kanyang doktor.
Tao ang pangulo. Nagkakasakit siya at natural lamang yaon.
Isa pa rin sa dapat nating ikonsidera na bago natin bakbakan si Pangulong Duterte ay ang kanyang edad. Wala na siya sa panahon ng kanyang kalakasan. Intindihin na lamang natin ito.
Hindi na kaya ni Pangulong Duterte ang maging mas malakas pa sa kalabaw hindi tulad noong kanyang kabataan o tulad nating mas mga bata sa kanya.
Kung pupunahin pa na kawalan siya sa kanyang pagliban sa trabaho ay mayroon pa namang ibang matataas na pinuno ng bansa na sasalo at sasalo ng kanyang responsibilidad.
Tatlong araw lamang naman iyan, ibalato na lamang sa kanya ang makapagpahinga nang walang iniisip na trabaho.
Hindi man nasabi kung saan magpapahihinga ang pangulo ay hayaan na lamang. Malalaman at malalaman din naman ito ng publiko.
Kalma lang muna sa mga “negathone” at manahimik muna sa kanilang mga kuta. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
169