Naging balita kahapon na pinatawad na ni Maguindanao Second District Representative Esmael “Toto” Mangudadatu ang mga suspek sa nangyari noong Maguindanao massacre o mas kilala rin sa tawag na Ampatuan massacre.
Hindi natin kinukuwestyon ang hakbangin o pahayag na ito ng naturang mambabatas.
Sa kanya na rin naman nanggaling, hiniling ng kanyang mga anak na huwag nang magpakababad sa iniwang sakit ng naturang karumaldumal na pagpatay. Nais ng kanyang mga anak na mag-move on na ito lalo’t nasisiguro niyang may kalalagyan ang mga nagkasala sa kanila.
Nangyari ang Ampatuan massacre noong Nobyembre 23, 2009 nang ang isang convoy na kinabibilangan ng mga kamag-anak, supporters at media na maghahain na ng certificate of candidacy itong si Mangudadatu para sa 2010 elections. Sa daan, sila ay hinarang ng mga armadong kalalakihan, tinangay sila sa isang lugar at doon ay pinagpapatay at saka inilibing.
Hindi basta simpleng pagpatay ito dahil 58 katao ang pinaslang, kabilang dito ang 32 na mamamahayag at anim pang mga motorista na hindi parte ng convoy pero nadamay.
Election-related violence iyan na hindi malilimot ng kasaysayan at hindi ganoon kadaling malilimot ng mga pamilya na naging biktima.
Ngunit tama ang mga anak ni Mangudadatu. Dapat siyang mag-iba na ng pokus sa buhay dahil problemang walang katapusan iyan na kanyang papasanin kung hindi siya kikilos nang naaayon.
Sa totoo lang, madaling magpatawad – magaan man o mabigat ang naging resulta ng pagkakamaling nagawa sa nasaktan. Ngunit ang makalimot ay malabong mangyari lalo’t sa usaping ito ay maraming mga buhay ang nawala at maraming buhay din ang naapektuhan.
Inihayag din ng mambabatas na may mga kamag-anak siya na kasal sa mga Ampatuan at direkta niya ring sinabi na hindi lahat ng mga Ampatuan ay masama.
Sa siyam na taon na itinakbo ng trial ng kasong ito, lalabas ang desisyon bago mag-Disyembre 20. Sana magkaroon ng hustisya para sa lahat ng naging biktima. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)
360