Simula Oktubre 1 nitong taong kasalukuyan ay ipinagbawal ng Meralco ang paggamit o pagdadala ng mga single-use plastic (SUP), polystyrene foam o styrofoam at iba pang mga katulad na produkto, sa kanilang mga opisina at corporate events.
Ito ay bilang bahagi ng kanilang sustainability initiative at pagsali na rin sa kampanya ng gobyerno para mailigtas ang ating kalikasan laban sa polusyon.
Inanunsyo rin kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuporta niya na ipagbawal ang mga plastik na materyales upang makabawas sa polusyon at mailigtas ang kalikasan mula sa malawakang pagkasira.
Ayon sa kanyang tagapagsalita na si Atty. Salvador Panelo, napaisip din ang pangulo kung dapat ba niyang i-certify as urgent ang bill sa pagbabawal ng paggamit ng mga plastic dahil sa malubhang epektong naidudulot nito sa ating kapaligiran.
Sa limang dekada, integral na parte ng ating buhay ang paggamit sa mga bagay na gawa sa plastik. Mula sa mga kasangkapan sa bahay, hanggang sa mga plastik na grocery bag, mga piyesa ng mga sasakyan hanggang sa munting laruan ng mga bata, ay talagang naging bahagi na ito ng ating buhay.
Nais gawan ng mga kaukulang hakbang ng House Committee on Natural Resources ang pagbabawal sa paggamit ng plastik sa bansa.
Kamakailan lang din ay nakausap ko si DENR Undersecretary Benny Antiporda na pinuri ang pagkilos ng Meralco laban sa paggamit ng plastik.
Sang-ayon ako kay USec Antiporda, dapat makipagtulungan ang pribadong sector sa ating lokal na pamahalaan at bumuo ng solid waste management plan.
Maliban sa pagbawas ng kanilang kontribusyon sa tambak-tambak na basurang gawa sa plastic ay layunin din ng Meralco na turuan ang mga empleyado at mga kanegosyo nito ng tamang pag-dispose ng mga plastik para sa isang sustainable na ekonomiya, at maging panimula na rin sa lifestyle change.
Nakalulugod na malaman kung paano kumilos ang iba pang mga bansa at siyudad upang protektahan ang ating kalikasan at labanan ang polusyon. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
417