P3K DAGDAG-SAHOD SA GOV’T EMPLOYEES POSIBLE

gov't workers12

(NI BERNARD TAGUINOD)

KUNG hindi mababago ang bersyon ng Senado sa 2020 national budget na nagkakahalaga ng P4.1 Trillion, madaragdagan ng halos tig-P3,000 kada buwan ang sahod ng may 1.5 milyong empleyado ng gobyerno.

Ito ang nabatid kay ACT party-list Rep. France Castro matapos doblehin ng Senado sa pamamagitan ni Sen. Panfilo Lacson ang P31 Billion na unang ipinasa sa Kamara para sa umento sa sahod ng mga government employees kasama na ang mga public school teachers.

Dahil dito, magiging P63 Billion na ang pondo para sa umento ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno sa susunod taon kung saan kasama sa pinondohan ang P30,000 sahod ng mga government nurse na inutos ng Korte Suprema.

“This initial victory is a step forward in the struggle for a substantial salary increase,” pahayag ni Castro bagama’t malayo ang umentong ito sa hinihingi nilang  P30,000 kada buwan mula sa kasalukuyang P20,754 para sa mga Teacher 1.

Malayo rin ito sa P16,000 na minimum na hinihingi ng mga militanteng grupo sa mga empleyado ng gobyerno na Salary Grade (SG) 1 na nagkakahalaga lamang ng P11.068 lamang kada buwan.

Gayunpaman, hindi umano isusuko ng nasabing grupo ang kanilang kampanya ma magkaroon ng disenteng sahod, hindi lamang ang mga public school teachers kundi ang lahat ng maliliit na empleyado ng estado.

“Humihirap pa lalo ang mahirap nang pamumuhay ng ating mga guro at ibang kawani ng gobyerno dahil sa kabi-kabilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Panahon na para talagang mapakinggan ang mga hinaing ng mga guro at aksyunan ang kanilang mga panawagan para sa nakabubuhay na dagdag sahod at mga benepisyo,” ani Castro.

 

194

Related posts

Leave a Comment