Kung yamang tubig lamang ang pag-uusapan ay talaga namang sagana ang Pilipinas diyan.
Magtataka pa ba naman tayo gayong napalilibutan ang bansa ng tubig at dahil dito ay sagana tayo sa mga makukuha sa ilalim ng tubig na ito. Pero ang totoo hindi tayo ganoon kasagana dahil marami sa atin ang nagpapabaya at walang alam kung paano ito gagamitin, iingatan at pasasaganahin.
Sa isang datos, umaabot sa halos limang milyong katao ang nabubuhay sa pangingisda sa Southeast Asia.
Dito sa atin, 80 hanggang 90 porsento ng pinagkakakitaan ay nanggagaling sa pangingisda. Ngunit may iba rin naman sa ating mga kababayan ang tila buhay lamang nila ang inaatupag at walang paggalang sa mga buhay na nasa ilalim ng karagatan.
May kanya-kanyang paraan para makuha ang anumang makukuha sa ilalim ng dagat para kumita ng salapi. Hindi rin naman lingid sa kaalaman natin na may pumaparaang hindi patas at nagiging ilegal ang kanilang ikinabubuhay mula rito tulad ng pagdidinamita at ang kilalang muro-ami.
May mga gumagamit ng mga dinamita bilang madaliang paraan para lamang makapangisda nang marami. Ngunit sa pagdidinamitang ito ay nasisira rin naman ang ating coral reefs.
Samantala, ang muro-ami o muroami ay katagang ginagamit bilang pamamaraan ng pangingisda – epektibo ngunit delikado.
Ang coral reef ay ecosystem na nasa ilalim ng tubig na dapat sana ay naiingatan.
Ang mga koral ay matatagpuan saan mang karagatan sa buong mundo.
Ayon sa kasaysayan, nagsimula ang muro-ami sa Pilipinas noong 1930s na ipinakilala at itinuro sa ating mga Pinoy ng mga Hapon.
Ang muro-ami ay epekibong paraan para ang mga mahihirap kuning mga isda tulad ng labahita, dalagang-bukid at iba pa nito ay maling malambat.
Ang mga nagsagawa ng muro-ami ay ang mga menor de edad na ang mga pinipili ay mga lalaki. Hindi basta simpleng dami nila ang kailangan para magawa ang pamamaraang ito. Karaniwang umaabot sa isandaang bilang ng mga batang lalaki ang isinasabak sa ganitong gawain.
Karaniwan ding isang malaking barko ang mga sinasakyan ng mga bata at sa kalagitnaan ng karagatan ay gagamit dito ng napakalaking lambat hanggang sa bumababa ito sa tubig at pumailalim pa.
Goggles lamang ang gadget ng mga diver kaya’t ang mga kilos nito sa ilalim ng dagat ay kailangang madalian dahil delikado at maaari nilang ikapahamak. Minsan pa ay may namamatay sa kanila kapag sadyang kinukulang sa hangin.
Susundan ito ng pagtalon sa tubig at pagsisid ng mga bata ng may lalim na 90 talampakan. Hawak ng mga batang ito ang kanilang mga matitibay na bato o metal weights na siyang ipupukpok sa mga koral upang gambalain at palabasin ang mga iba’t ibang uri ng isda at lamang-dagat na naririto.
Kapag nakalabas na ang mga isdang ito hanggang sa sila ay pumormang isang malaking grupo ay agad din namang kikilos ang mga bata upang masigurong malalambat talaga ang kanilang mga target.
Mapanganib ang muro-ami dahil sinisira nito ang coral reefs at naaabuso ang mga bata.
Nakalulungkot na batay sa pag-aaral, kapag nasira ang coral reefs ay aabot pa ng 35 hanggang 50 taon para ito ay maka-recover pero hanggang sa 50 porsyento lamang.
Ang nakalulungkot pa rin dito, may balita pa ring may gumagawa pa ng tradisyong muro-ami. Kawawa ang karagatan at ang mga nabubuhay dito. Ganoon din ang mga bata at iba pang divers na nagsasagawa nito.
