(NI DANG SAMSON-GARCIA)
DAHIL malabo pang maaprubahan ang panibagong Sin Tax bill na magpopondo sa Universal Healthcare Law, binuhay ni Senador Imee Marcos ang kanyang panukala na tanggalin na ang value added tax sa lahat ng prescriptive medicines.
Sinabi ni Marcos na ganitong paraan anya makatutulong ang gobyerno sa publiko upang maibsan ang bigat ng kanilang pasanin sa pagpapagamot.
Mistula ring inamin ng senador na nababahala siya kung kakayanin ng Department of Health (DOH) na pamahalaan ang malaking pondo gayung ngayon pa lamang ay nababalot na sila ng iba’t ibang isyu.
“Ang puno’t dulo ng lahat ng taxation na ito na tataas ang presyo sa beer, alcohol, gin pati na rin sa sigarilyo, ecigar, ang puno’t dulo nito pinopondohan natin ang UHC, ngayon problema lahat tayo nadidismaya sa Department of Health kasi ang katotohanan ang Philhealth is so badly managed,” saad ni Marcos.
“Kaya ba nila (DoH) ‘yan o mauuwi na naman sa expired medicine na nakatambak sa bodega. ‘Yan ang problema natin at ‘wag naman natin linlangin ang tayo na bukas makalawa, lahat kayo covered, pati outpatient at dialysis, chemo kasi di naman totoo yun,” diin pa ng senador.
“So gumawa tayo ng maayos na plano na makatotohanan higit sa lahat yung kaya nating gawing agad-agad ay tanggalin na ang VAT sa lahat ng prescriptive medicines. Matagal ko nang sinasabi yan,” dagdag nito.
Iginiit pa ni Marcos na nauna nang tinanggal ng gobyerno ang VAT sa ilang maintenance medicines at malinaw naman na hindi nito naapektuhan ang koleksyon ng pamahalaan.
“Kasi nakita natin doon sa TRAIN tinanggal ang VAT sa mga cholesterol, diabetes, hypertension eh okay naman wala namang nangyari. Hindi naman bumagsak ang langit, ayos naman eh, mataas pa nga ang koleksyon,” giit pa nito.
Inihayag pa ng mambabatas na sa ngayon ay hindi pa rin nagkakasundo ang mga senador sa aaprubahang pagtataas ng sin taxes kaya’t nanganganib pa itong mabimbin.
Isang linggo na lamang ang natitirang sesyon sa Senado bago ang Christmas break subalit nananatiling nasa period of interpellation ang panukala bagama’t isa itong urgent bill.
327