CHA CHA INILUSOT NA SA KAMARA 

(NI BERNARD TAGUINOD)

INILUSOT na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang “legislative” Charter Change (Cha Cha) sa isang Executive session na isinagawa ng House committee on constitutional amendments.

Ito ang isiniwalat ng Makabayan bloc sa Kamara sa press conference ng nasabing grupo nitong Huwebes sa Kamara kung saan bukod sa pagbubukas sa ekonomiya ng bansa sa mga dayuhan ay palalawigin ang termino ng mga halal na opisyal at isang boto na lamang ang kailangang para sa presidential at vice presidential candidate.

Hindi sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang resulta ng botohan subalit inamin nito na talo ang No votes sa lahat ng probisyon na nais baguhin sa 1987 Constitution.

“Ang local officials, gagawin nang 5 years ang term at puwedeng tumakbo ng tatlong term,” pahayag ni Zarate kaya mula sa 3 taon at 3 termino na katumbas ng 12 taon ay magiging 15 taon nang manatili sa puwesto ang mga local officials.

Ganito rin ang termino ng mga district congressmen kaya tuwing 5 taon na lamang ang halalan imbes na kada-3 taon tulad ng sistemang umiiral sa kasalukuyan.

Maging ang mga senador ay 5 na taon na lamang umano ang termino mula sa kasalukuyan na 6  taon subalit maaari silang tumakbo ng hanggang tatlong termino taliwas sa sistema ngayon na hanggang dalawang termino lang ang mga ito.

“Magiging 27 na rin ang Senator dahil magiging regional na ang paghahal sa kanila,” pagkumpirma naman ni ACT party-list Rep. France Castro sa nasabing pulong balitaan sa Kamara.

Sinabi din ni Castro na kapag nagtagumpay ang Cha Cha na ito ay ang boto ng isang presidential candidate ay magiging boto na rin ng kanyang runningmate o vice presidential candidate.

Sa kasalukuyan ay magkahiwalay ang boto ng presidential at vice presidential candidate kaya karaniwang hindi magkapartido ang nahahalal na pangulo at pangalawang pangulo.

Naniniwala si Zarate na ang pagpapalawig sa termino ng mga pulitiko ay bahagi ng taktika upang makuha ang suporta ng mga local officials para suportahan at ikampanya ang Cha Cha.

 

169

Related posts

Leave a Comment