(NI BERNARD TAGUINOD)
INAASAHAN ni Maguindanao Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu na masesentensyahan ng guilty ang mga major suspect sa Maguindanao massacre na ikinamatay ng 58 katao, kasama na ang 32 kagawad ng media.
Ginawa ni Mangudadatu ang nasabing pahayag dahil sa araw na ito ay babasahan na ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Jocelyn Solis-Reyes ng sentensya ang mga suspek sa Ampatuan massacre.
“Imposibleng walang makuhang maramihang guilty verdict lalo na sa major suspects pati sa mga nagplano. Positibo kami roon,” pahayag ni mambabatas sa isang panayam.
Magugunita na noong Nobyembre 23, 2009 ay hinarang ang convoy ng asawa at mga kapatid ni Mangudadatu at mga kagawad ng media habang patungo ang mga ito sa Commission on Election (Comelec) para ihain ang kanyang certificate of candidacy at pinagpapatay ang mga ito saka ibinaon sa lupa gamit ang backhoe.
Itinuturing, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, bilang pinaka-karumaldumal na krimen ang Ampatuan massacre lalo na sa hanay ng media dahil sa dami ng mga reporters ang pinatay sa loob lamang ng isang araw.
Pangunahing suspek sa nasabing krimen ang mag-aamang sina Andal Ampatuan Sr., Andal Ampatuan Jr., Zaldy Ampatuan at iba pa kasama na ang kanilang mga tauhan. Namatay na sa sakit si Andal Sr.,
Matapos ang 10 taong paglilitis, babasahan na ng sentensya ang mga suspek na pawang nakakulong sa Quezon City Jail Annex, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
“Kung anuman ang pasya, irerespeto ko. Pero handa kaming umapela kapag hindi nakuha ang hustisya,” ani Mangudadatu.
Nanawagan din ang mambabatas kay Department of Interior and Local Governmetn (DILG) Secretary Eduardo Ano na higpitan ang seguridad sa promulgasyon dahil sa posibleng banta umano lalo na’t nananatiling makapangyarihan umano ang Angkan ng mga Ampatuan.
Bukod dito, nakakatiling nakalalaya umano ang may 40 suspek sa karumal-dumal na krimen.
