Dalawang araw pa lang ang lumilipas matapos ang pagsalubong sa taong 2020 ay nagpasabog agad ang Estados Unidos sa pamamagitan ng isang drone attack kay Iranian Gen. Qassem Suleimani noong Enero 3 sa international airport ng Baghdad sa Iraq.
Si US President Donald Trump ang nag-utos ng asasinasyon kay Gen. Suleimani na commanding general ng elite Quds Force ng Iranian armed forces. Preemptive strike ang drone attack kay Suleimani matapos makatanggap ng intelligence report ang US na may plano ang heneral na maghasik ng lagim sa Estados Unidos.
Walang makapagsabi kung gaano katotoo ang naturang intel report ni Trump pero nakita na rin natin sa panahon ni President George W. Bush kung papaano ginamit ang pekeng intel sa “weapons of mass destruction” o WMD para giyerahin ang bansang Iraq ni Saddam Hussein noong 2003.
Hindi marahil nakita ng US ang magiging reaksyon ng mga mamamayan ng Iran na agad nagtungo sa lansangan ang daang libong mga Iranian para kondenahin ang ginawang asasinasyon ng US at ang paglalagay ng patong sa ulo ni Trump sa halagang US$80 milyon.
Nagbanta rin ang pangulo ng Iran ng ganting reaksyon sa US na agad na sinagot ni Trump na nakahanda ang US military na tirahin ang 52 target sa loob ng Iran sakaling mangyari ang ganti ng Iran laban sa US.
Malaki ang respeto at paghanga ng mga Iranian sa napatay na si Gen. Suleimani na pinuno ng mga special forces bukod pa sa bayani siyang itinuturing dahil puro panalo ang kanyang mga pinamunuan na giyera sa ilalim ng Iranian armed forces.
Pabor para kay President Trump ang pangyayari lalo pa’t nahaharap siya sa impeachment trial sa Senado at sa kanyang muling pagtakbo sa pagka-pangulo sa darating na Nobyembre.
Mas mabuti ngang magkaroon ng ganting atake ang Iran sa US dahil magagamit ito ni Trump para hindi matuloy ang kanyang impeachment trial dahil sa problema sa napipintong giyera laban sa Iran at sakaling maging tagumpay ang “giyera” magagamit ni Trump ito na mabisang propaganda sa kanyang kampanya sa re-eleksyon sa Nobyembre.
Samantala, ang mga bansang gaya ng Pilipinas ang napeperwisyo sa mga giyera ng US sa Middle East dahil na rin sa presensya ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Iran at sa Iraq na damay na din sa napipintong giyera.
May 1,600 OFWs sa Iran samantalang may 6,000 Filipino sa Iraq na ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ay pawang mga ilegal dahil sa umiiral na ban sa dalawang bansa dala na rin ng kawalan ng bilateral labor agreement ng Pilipinas sa Iran at Iraq.
Nag-utos na si Pangulong Rodrigo Duterte ng mass evacuation bukod ito sa pagpapalabas ng order ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga embahada ng Pilipinas sa Iran at Iraq na bigyan na ng abiso ang mga Filipino sa posibleng mass evacuation.
Maraming posibleng mangyari pero ang pinakamalaga kay Trump ay mamatay ang kanyang impeachment at makakuha ng ikalawang termino bilang pangulo ng Estados Unidos. (SIDEBAR / Raymond Burgos)
153