SAYANG ang “Murang Kuryente Act” kung hindi pa ito maipapatupad simula ngayong buwan bunga dahil sa kabagalan ng Department of Finance (DOF) at Department of Energy (DOE) na tapusin at ilabas ang implementing rules and regulation (IRR) ng nasabing batas.
Alam naman nina DOF Secretary Carlos Dominguez III at DOE Secretary Alfonso Cusi na hindi maaaring ipatupad ang batas kung wala itong IRR.
Noong Nobyembre 27 o 90 araw matapos maging ganap na batas ang Murang Kuryente Act ay dapat nagsimula na ang implementasyon ng batas na ito.
Kaya, noong Disyembre ay nabawasan sana ang ibinabayad ng bawat pamilyang Filipino sa kanilang kuryente kada buwan, sapagkat tanggal na ang binabayaran nila para sa stranded debts and costs (SDC), Universal Charge for Stranded Debts (UCSD) at Universal Charge for Stranded Contract Costs (UC-SCC) ng National Power Corporation (NAPOCOR).
Sabi ni Senador Sherwin Gatchalian, ipinapasa ng mga distribyutor ng kuryente sa kanilang mga konsyumer ang SDC, UCSD at UC-SCC upang sila ang magbayad nito kada buwan.
Kung tanggalin ang tatlo, makakatipid ng P172 bawat buwan o P2,064 bawat taon ang pamilyang kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Maliit na halaga ang P172 para sa mayayaman ngunit ‘malaking bagay’ ang nasabing halaga para sa mayorya ng mga Filipino na napakaliit ng sinasahod bawat buwan.
Makabibili na ng apat na kilo ng bigas ang P172.
Ngunit, dahil sa kakuparan ng DOF na pinamumunuan ni Dominguez at DOE na nasa ilalim ng pamumuno ni Cusi ay hindi nagawa at nailabas ang IRR ng Murang Kuryente Act sa takdang araw.
Isa sa nakinabang sa pagkaantala ng IRR ay ang Manila Electric Company (Meralco).
Ang totoo, napakalaking pakinabang sa Meralco ang mabagal na kilos ng DOF at DOE, sapagkat milyun-milyon ang nakolekta nila dahil nanatili pa rin ang SDC, UCSD at UC-SCC.
Batay sa rekord ng Meralco, ang mga pangunahing may-ari ng Meralco ay ang Beacon Electric Asset Holdings Inc. (BEAHI), JG Summit Holdings (JG Summit), Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), Metro Pacific Holdings Inc. (MPHI) at mayroon ding mga kasosyong dayuhang kumpanya.
Nakasaad sa rekord ng Meralco, si Manny Pangilinan ang tagapangulo ng 11-kasaping Board of Directors ng Meralco.
Si Pangilinan din ang pinuno ng Maynilad Water Services Inc. na walang patid na binabatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa “onerous” na kontrata nito sa pamahalaan na nagsimula noong 1997.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / Nelson Badilla)
150