SPEED GUNS PINAGKAKITAAN

Radar Speed Guns Project

DILG pinakikilos sa bagong anomalya sa PNP

KINALAMPAG ni Senador Panfilo Lacson si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año upang paimbestigahan ang overpricing sa pagbili ng baril sa Philippine National Police (PNP) na mula sa orihinal na P10,000 halaga tungo sa P900,000 plus.

Sa panayam, sinabi ni Lacson na dapat nang paimbestigahan ni Año ang anomalya dahil hindi lamang milyon ang pinag-uusapan dito kundi bilyong halaga ng procurement at matukoy kung sino ang sangkot dito at dapat may makulong.

“I always focus on punitive steps, kasi ang preventive mukhang di na nagwo-work, ang constant reminders. Dapat ipakita na kung may ganyan dapat talagang makulong kasi yan ang deterrent. Hanggang walang nakikitang nakukulong sasabihin nila kaya namang malusutan,” giit ni Lacson.

Nauna nang binawi ni Pangulong Duterte sa PNP ang procurement powers nito matapos matuklasan na nagkaroon ng overpricing sa pagbili ng Radar Speed Guns Project na umabot sa P900,000 plus kumpara sa orihinal na P10,000 lamang.

“So dapat ito, after the President has already announced na wini-withdraw niya ang procurement authority from the PNP and having exposed ang ganoon kalaking overpricing, dapat it should be incumbent upon Sec. Año na gumawa ng investigation and find out who are responsible,” ayon kay Lacson.

“Kasi remember, we’re giving them tens of billions of pesos lalo sa enhancement fund nila. Malaki yan. That’s P2B a year. And aabot ng P10B yan, multi-year procurement yan. Tama lang yan, tama lang na i-withdraw hanggang hindi naimbestigahan nang maayos,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag pa ni Lacson na walang isyung legalidad sa pagbawi ng procurement authority sa PNP hanggang hindi nilalabag ng Pangulo ang RA 9184 o Government Procurement Law.

Inalis sa PNP

Kaugnay nito, ipinaalis ni Pangulong Duterte sa PNP ang kapangyarihan nitong makapagsagawa ng anomang procurement process sa pagbili ng kanilang equipment.

Ang hakbang ay ginawa ng Pangulo sa gitna ng pagkakabanggit nito tungkol sa mga biniling speed gun sa Davao na tila kuwestiyonable sa Chief Executive partikular na ang halaga nito.

Ayon sa Pangulo, kanyang ipagkakatiwala kay DILG Secretary Año ang otoridad para mangasiwa sa procurement process  ng PNP at inaasahan niyang walang magaganap na korupsiyon sa pagbili ng mga kakailanganing equipment ng Pambansang Pulisya.

Dagdag pa ng Pangulo na iniisip niya ring ibalik ang Bureau of Supply na dating tanggapan sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na nasa ilalim ng Department of General Services.

Magpaliwanag kay PDu30

Samantala, inatasan ni Sec. Año si PNP Officer in charge Ltgen Archie Gamboa na magpaliwanag kay Pangulong Duterte hinggil sa isyu ng overpriced speed guns.

“The PNP made a very glaring mistake in its presentation during the last Joint AFP, PNP Command Conference by mixing up terms and figures”, ani SILG Año.

Sinasabing ito ang dahilan kaya agad tumalima ang kalihim sa kagustuhan ng Pangulo na alisan ng procurement power ang PNP at sumunod sa ibinabang instruction ng Pangulo.

Inatasan naman ng Pangulo si Año na siyang mangasiwa sa pagbili ng mga kagamitan at sandata para sa kapulisan.

“Tinawagan ko si Secretary Año. Sabi ko, ‘Do not allow the police to procure. Ang opisina mo na ang mag-procure,” pahayag ng Pangulo nang dumalo ito sa isang kaganapan sa Philippine Marines Headquarters.

“I said, I may be wrong. Pero certainly, Php950,000 radar is just stupid because ‘yung sa Davao Php10,000 lang,” anang Pangulo. (ESTONG REYES, CHRISTIAN DALE, JESSE KABEL)

180

Related posts

Leave a Comment