NAGBABALA ang mababang kapulungan ng Kongreso sa mga private hospital na tumatanggi sa mga pasyenteng pinaghihinalaang may sintomas ng novel coronavirus na posible silang tanggalan ng lisensya.
Ginawa ni House health committee chairperson Angelina Tan ang babala matapos umano itong makatanggap ng mga report na pinaaalis ng mga private hospital ang mga pasyente na may sintomas ng nCoV.
“Let me remind these hospitals that this is against the law and they run the risk of having their license to operate and Philhealth accreditation cancelled,” pahayag ng mambabatas.
Ayon sa mambabatas, umiiral ang Republic Act 11332 o “Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” na kailangang tugunan ng lahat ng mga pagamutan, pribado man o pampubliko at maging ang mga non-government organization ang lahat ng pasyenteng may “infectious at communicable disease” at kabilang dito ang nCoV.
Bukod sa mga ospital ay hindi rin umano dapat tanggihan ng mga private physician, health facilities, laboratories at mga non-government organization ang mga pasyenteng pinaghihinalaang nagtataglay ng mga nakahahawang sakit.
Dahil dito, umapela ang mambabatas sa publiko na agad ireport sa kinauukulan ang mga tatanggi sa posibleng nCoV patients.
DISCRIMINATION
Umaapela naman ang Commission on Human Rights (CHR) na iwasan ang mag-discriminate sa harap ng banta ng coronavirus sa bansa.
Ayon kay CHR Spokesperson Jacqueline de Guia, hindi dapat maging rason ang coronavirus para makaranas ng diskriminasyon.
Sinabi ni de Guia na pagbasehan ng mga Filipino ang siyensya at ang mga isinasagawang pag-aaral para sa coronavirus at itigil ang pamamahagi ng mga maling impormasyon na nagdudulot lamang ng panic at takot. BERNARD TAGUINOD, ABBY MENDOZA