PATAY ang isang 59-anyos na dating sundalo nang pagbabarilin ng nagpakilala umanong mga pulis sa Caloocan City.
Idineklarang dead on arrival sa Tala Memorial Hospital sanhi ng tatlong tama ng bala ng ‘di pa tiyak na kalibre ng baril, si Ricardo Bona Sr., tricycle operator/driver, ng #314 Calleguapo St., Miramonte Heights, Brgy. 180, North Caloocan.
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-3:00 ng madaling araw malapit sa bahay ng biktima.
Batay sa pahayag ng kabiyak ng biktima na si Zenaida, 50, ginising ng kanilang manugang na si Rea ang kanyang asawa upang magpasama sa bilyaran para sunduin ang asawang si Rexy na anak ni Bona.
Ilang sandali lamang ay nakarinig na sila ng sunod-sunod na putok ng baril at narinig nila ang paghingi ng tulong ni Rea dahil pinagbabaril umano ang biktima.
Napabalikwas si Zenaida at ang anak nitong si Ricardo Jr. at pupuntahan sana ang biktima ngunit nang buksan nila ang pintuan ng kanilang bahay ay sila naman ang tinutukan ng baril ng isa sa mga suspek kaya agad nilang isinara ang pinto at ang bahay naman nila ang pinaulanan ng bala ng suspek.
Ayon naman sa manugang ni Bona na si Rea, sinundo nila ng kanyang biyenang lalaki ang ang kanyang asawa at nang papauwi na sila ay hinarang sila ng tatlong armadong kalalakihan na nagpakilalang pulis.
Isa umano sa mga humarang sa kanila ay naka-uniporme ng pulis, isang naka-uniporme ng Anti-Carnapping Section, at isang nakasibilyan at pilit na kinakapkapan ang biktima ngunit hindi pumayag kaya’t hinawakan sa magkabilang braso ng dalawa sa mga suspek at pinagbabaril naman ng isa. (ALAIN AJERO)
