Maraming mga Filipino ang hindi kuntento sa pagpapatupad ng programang K-12. Ito ang lumabas sa isang Pulse Asia survey para suriin ang pananaw ng taumbayan sa naturang programa.
Ayon sa mahigit isang libong (1,200) respondents ng isinagawang survey, 47 porsyento ng mga Filipino ang hindi kuntento sa K-12. Tatlumpu’t walong porsyento naman ang nagsasabing kuntento sila, at 13 porsyento naman ang hindi sigurado kung kuntento nga ba sila o hindi.
Sa mga nagsabing hindi sila kuntento sa programa, 78 porsyento ang nagsasabing dagdag gastos ang karagdagang dalawang taon sa high school. Apatnapung porsyento naman ang nagsasabing hindi sapat ang high school diploma upang magkaroon ng sapat na trabaho, at 31 porsyento naman ang nagsasabing mas nais nilang makatanggap ng dekalidad na edukasyon imbes na karagdagang taon ng pag-aaral.
Apatnapung porsyento rin ang nangangambang tataas ang drop-out rate dahil sa K-12, at 39 porsyento rin ang nagsasabing nangangailangan pa ang mga paaralan ng karagdagang silid-paaralan at guro.
Noong isinabatas ang K-12 taong 2013, ipinangako ng programa na madaling magkakaroon ng trabaho ang mga makakatapos ng senior high school. Ngunit ayon sa isang survey na isinagawa ng JobStreet noong 2018 sa 500 kompanya, wala pang 24 porsyento ang handang tumanggap sa mga nagtapos ng K-12.
“Kung susuriin natin ang opinyong ito ng taumbayan, makikita natin na hindi natutupad ng K-12 ang pangako nito. Ngunit hindi ang mismong programa ng K-12 ang may problema kundi ang pagpapatupad nito, kaya naman mahalagang mabigyan natin ng pansin ang mga repormang kinakailangan upang maiangat natin ang kalidad ng ating edukasyon,” pahayag ni Senator Win Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Ayon kay Gatchalian, ang pagreporma sa curriculum ang pinakamabilis na hakbang upang ayusin ang programang K-12. Dahil sa dami ng kailangang pag-aralan sa ilalim ng curriculum, kulang na ang panahon ng mga guro at mag-aaral upang lubos na maunawaan ang kanilang mga aralin.
Dagdag ni Gatchalian, kailangan ding tutukan ang kakayahan ng mga guro. Ibinahagi ni Gatchalian ang naging karanasan ng mga guro, kung saan hindi sila nabibigyan ng sapat na training para sa K-12. Ani Gatchalian, isa pang isyu na kailangang tutukan ang pagkakaroon ng mga dekalidad at napapanahong mga kagamitan tulad na lamang ng mga textbook.
Kamakailan ay naghain si Gatchalian ng isang resolusyong magpapatawag ng isang pagdinig hinggil sa pagpapatupad ng programang K-12. Anumang resultang makukuha sa pagdinig ay inaasahang gagabay sa anumang polisiya sa sektor ng edukasyon para siguruhing natutupad ang layuning mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral.
253