PATAY ang isang lider ng New People’s Army (NPA) at tatlo pang hinihinalang komunista sa magkahiwalay na operasyon ng mga tropa ng pamahalaan sa North Cotabato sa Vigan City.
Sa North Cotabato, patay matapos manlaban sa mga awtoridad ang isang pinaniniwalaang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) sa law enforcement operasyon na inilunsad ng Makilala PNP at ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army sa hide-out nito sa Sitio Lacobe, Brgy. Malabuan, Makilala sa lalawigang ito.
Kinilala ang napatay na si Juanita Tacadao alyas Isay/Maring, 1st Deputy Secretary ng Guerilla Front ALIP Far Southern Mindanao Regional Committee.
Ayon sa ulat ng militar at PNP, bandang alas-12:30 ng tanghali nitong Biyernes, magsisilbi ng warrant of arrest ang mga operatiba laban kay Tacadao nang matunugan nito ang paparating na mga tropa.
Pinaputukan ni Tacadao at ng iba pa nitong mga kasamahan, ang mga awtoridad na nagresulta sa palitan ng putok ng magkabilang panig.
Nakatakas ang apat nitong mga kasama habang nakorner si Tacadao at tinamaan ng bala na agaran niyang ikinamatay.
Samantala, sa Vigan City, patay ang tatlong kasapi ng komunistang grupo, kabilang ang dalawang opisyal, nang maka-engkuwentro ang militar, iniulat nitong Sabado ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ang mga napatay na sina Ka Goyo, secretary ng Kilusang Larangang Guerilla-South Ilocos Sur; Unor, deputy secretary, at Finela Cavero alyas Ricky.
Batay sa report ng 81st Infantry Battalion ng Philippine Army, dakong alas-10:30 ng gabi nang mangyari ang bakbakan sa Brgy. Namatican, Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Ayon sa militar, nakatanggap sila ng report hinggil sa presensya ng mga teroristang grupo sa naturang lugar.
Sa kanilang pagresponde ay sinalubong sila ng putok ng baril ng mga suspek.
Gumanti ng putok ang militar at tinamaan ang mga suspek na nagresulta ng kanilang kamatayan. (JESSE KABEL/BONG PAULO/ANNIE PINEDA)
