HABANG patuloy na tumataas ang bilang ng mga taong apektado ng Corona Virus Diseases-2019 (COVID-19), may kakaibang virus naman ang kumakalat sa mga nasa Bicol – ang pagiging “no read” ng mahigit 70,000 estudyante sa elementarya.
Ang naturang datos ay base sa isinagawang pag-aaral ng Philippine Informal Reading Inventory (Phil-IRI) mula Hulyo hanggang Agosto ng 2019. Ang Phil-IRI ay inisyatiba ng Bureau of Elementary Education (BEE) ng Department of Education na nagdedetermina ng performance ng mga mag-aaral sa oral reading, silent reading at listening comprehension.
Ang naturang reading inventory program ay nagbibigay ng kaukulang grado sa mga estudyante ng elementarya base sa mga ibinibigay na reading materials sa wikang Ingles at Pilipino.
Pinakamalala ang “non-readers” sa mga Grade 1 at Grade 2 kung saan mahigit 58,000 ang hindi marunong bumasa samantalang 18,142 na mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 6 ang “non-readers”.
Nakababahala ang ganitong problema dahil mangangahulugan itong hindi sila marunong magbasa sa Ingles at Pilipino, hindi rin sila makakasulat at magreresulta ito sa pagbagsak sa mga written exams dahil nga hindi nila naiintindihan ang mga nakasulat na tanong sa test paper.
At kung laganap sa mga elementary students sa Bicol ang ganitong problema, posible ring ang mga estudyante sa ibang mga rehiyon sa Luzon na hindi Tagalog ang pangunahing lenggwaheng ginagamit ay hirap din sa pagbabasa sa Pilipino at Ingles.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) mataas ang poverty incidence sa Bicol na nasa 26.8 percent noong 2018 na mas mataas sa national average na 16.6 percent.
Mataas din ang malnutrisyon sa Bicol kung saan 36 na porsyento ng mga batang may edad mula 5 hanggang 10 ay “stunted” o tumigil na ang paglaki samantalang 39 porsyento ng mga kabataan mula edad 10 hanggang 19 ay “stunted” din noong 2015 base sa datos ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI).
Marami nang isinagawang pag-aaral na ang kahirapan at malnutrisyon ay may direktang epekto sa pag-aaral ng kabataan kaya nga kailangan ng mga bata ang tamang nutrisyon nang gumana ang kanilang utak at maintindihan ng husto ang kanilang mga leksyon sa paaralan.
Idagdag pa dito ang kalidad ng mga guro sa elementarya at ang tamang bilang ng mga libro at iba pang reading materials na nagtitiyak na matututo ang mag-aaral sa tamang pagbabasa sa wikang Ingles at Pilipino.
May kasabihang ang ating kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero ang mahusay na kalidad ng edukasyon ang magtitiyak na magiging marunong ang mga kabataan na siyang magmamana ng ating bayan sa malayong hinaharap.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)