APAT na manlalaro ang nawala sa line-up ng Ateneo, pero tutok pa rin ang Blue Eagles sa pagdepensa ng kanilang korona sa pagsisimula ngayon ng UAAP Season 82 men’s football tournament sa Rizal Memorial Stadium.
Sasagupain ng Blue Eagles ang Katipunan rival nitong University of the Philippine Fighting Maroons sa televised match sa alas-4:00 ng hapon.
Sina Jarvey Gayoso, Julian Roxas, Rupert Baña at Jeremiah Rocha ang mga sandatang ginamit ng Ateneo sa kanilang championship sa nakaraang season at ngayong wala na sila sa koponan, sasandal ang Blue Eagles sa mga naiwang pambato nito.
Umaasa ang Blue Eagles na mapapanatili pa rin nila ang korona, matapos na ang star player nitong si two-time MVP Gayoso, ay magdesisyong huwag nang tapusin ang ikalima at huling taon niya sa koponan.
Sa isa pang televised game, ang last season’s runner-up De La Salle at Far Eastern University ay maghaharap sa ala-1:30 ng hapon.
Ang Green Archers, natalo sa Eagles sa one-game championship noong nakaraang taon at naglagay sa kanilang kabiguan sa dalawang dekada na ngayon, ay nabawasan din ng sandata sa katauhan ni Rookie of the Year winner Shanden Vergara, na nagtungo sa US upang doon sumubok ng football career.
Kaya’t sasandal ang La Salle kina Xavi Zubiri, Jovan Marfiga, at Jed Diamante’s leadership, kasama ang bagong recruit na sina former high school Best Goalkeeper Jason Blanco at Best Defender French Talaroc mula sa FEU-Diliman.
Sa alas-8:00 ng umagang laro, maghaharap ang UST at National University, habang labanang Adamson U at University of the East naman sa huling laro, alas-6:30 ng gabi. (VT ROMANO)
