PH DAVIS CUP TEAM VS GREECE

HAHANAP ng taktika ang Pilipinas upang makapagtala ng sorpresa sa pagsagupa nito sa World No. 6 na si Stefanos Tsitsipas at Team Greece bukas sa Davis Cup Tie sa Plaza Dilao court ng Philippine Columbian Association sa Paco, Manila.

“We know they are tough especially with a world class player like Stefanos Tsitsipas,” wika ni Francis Casey Alcantara, Southeast Asian Games gold medalist at mangunguna sa kampanya ng bansa. “But we will do our best to make the country proud.”

Maliban kay Alcantara, maglalaro rin para sa pambansang koponan sina Jeson Petrombon, Ruben Gonzales, AJ Lim at Eric Olivarez Jr. habang si Chris Cuarto ang non-playing captain.

Nabigo si Tsitsipas na masungkit ang kanyang ikaanim na titulo bilang professional tennis player matapos yumukod kay Novak Djokovic sa katatapos lamang na finals ng Dubai Tennis Championship ilang araw pa lamang ang nakalilipas, kaya’t inaasahang babawi ito sa Davis Cup Tie.

Kasama nito ang nakababatang kapatid na si Petros, Michael Pervolarakis at Markos Kalovelonis habang si Dimitris Chatzinikolaou ang coach ng Team Greece.

Sasandigan ng mga Pilipino ang kanilang bentahe sa home court upang pilitin na makapagtala ng upset win laban sa Greece.

“Hopefully, the home court advantage will help us,” sabi ni Cuarto.

Nakatakdang isagawa ang team draw ngayong umaga habang ang unang dalawang singles ay nakatakda sa Biyernes at ang doubles at reverse singles sa Sabado.  (ANN ENCARNACION)

133

Related posts

Leave a Comment