NAGPASABOG si Allyn Bulanadi ng tatlong sunod na three-point shots sa bandang dulo upang akayin ang Basilan Steel sa 84-76 win kontra Bacoor Strikers, Sabado ng gabi sa Chooks-to-Go/MPBL Lakan Season South division sa Strike Gymnasium Bacoor City.
Buhat sa tablahang 71-71 kasunod ng back-to-back triples ni Ian Melencio, gumanti si Bulanadi para gawing 80-71 count, 1:26 na lang.
Makakasagupa ng Steel ang Davao Occidental Tigers sa best-of-three series para sa South division crown.
Ang Basilan ang kumuha ng series opener, 77-63, bago rumesbak sa Game Two ang Strikers, 80-69, ito ay sa kabila ng pagkawala ni MPBL Datu Cup MVP Gab Banal, na nagtamo ng knee injury na resulta ng banggaan nila ni Bulanadi sa Game One.
Hindi na rin nakalaro sa decider si Banal, kaya’t nag-iwan ng malaking butas sa offensive rotation ng Bacoor.
Si Bulanadi ay kumamada para sa Basilan ng 35 points, kasama ang anim na triples, may seven rebounds, three assists at steal.
“Allyn hit the biggest shots of the gamer that pulled us to victory,” komento ni Basilan coach Jerson Cabiltes. “That’s why he is in the Gilas program.”
Ang 6-foot-2 Bulanadi, former star ng San Sebastian College, ay nakakuha ng suporta mula kina Jay Collado na may 18 points plus 15 rebounds at Jerald Bautista,13 points, four assists at three rebounds.
Apat na puntos lamang ang naiambag ni Cris Dumapig, pero kinontrol naman niya ang board sa kanyang 15 rebounds para sa Steel.
Tinalo rin ng Steel ang Strikers sa rebounds, 54-44.
Sa panig ng Bacoor, umiskor si Melencio ng 22 points, five rebounds at four assists, kasunod si Mark Pangilinan na may 11 points at si Michael Mabulac ay nagsumite ng 10 points at 13 rebounds. (VT ROMANO)
