PH ATHLETES TULOY ANG PREPARASYON

Hanggang ‘di nagkakansela ang IOC

MAYROON man COVID-19 o wala, tuloy-tuloy lang ang pagsasanay at pagsabak ng mga atletang Pilipino na naghahangad makaabante sa Tokyo Olympics sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.

Ayon kay Team Pilipinas chef de mission Mariano Araneta, hanggang hindi kinakansela ng organize International Olympic Committee (IOC) at host Japan ang 2020 Summer Games, magpapatuloy ang Pinoy athletes sa kanilang preparasyon para sa kada apat na taong torneo.

Kabilang sa mga nakatakdang sumabak sa qualifying events ang anim na pambansang atleta sa archery, pito sa athletics, lima sa swimming at 3×3 basketball.

Pasok na sa Tokyo ang boxer na si Eumir Marcial matapos makarating sa semifinals ng Asia and Oceania Boxing Olympic Qualification Tournament sa Jordan, habang ang iba pang malalaglag dito ay may last chance pa sa Paris qualifying event sa May.

Sisikapin ng cyclist na si Daniel Caluag na mag-qualify sa BMX at si Ariana Dormitorio sa Cross Country, sa Canoe-Kayak ay sina Ojay Fuentes at Hermie Macaranas, habang may anim sa fencing–tig-dalawa sa foil, sabre at epee.

Malaki din ang tsansa ng mga golfer na sina Yuka Saso na nasa ika-50th place,  Dottie Ardina na nasa 51st, at Miguel Tabuena na nasa 59th puwesto sa world rankings. Kabuuang 60 golfers ang kukunin sa Tokyo.

Patuloy din sa pag-iipon ng puntos sina judokas Kiyome Watanabe at magkapatid na Nakano, habang ang Karate team ay nasa Istanbul, Turkey na naghahanda para sa qualifying tournament sa Paris, France.

Nakansela naman ang pagsabak ng rowing team sa Korea, habang ang skateboarders sa pangunguna ni Margielyn Didal ay sisikaping madagdagan ang puntos sa national skateboarding  tournament sa Abril.

Kailangan naman ng isa pang torneo ng weightlifter na si Hidilyn Diaz para tuluyang umabante sa Tokyo Olympics.  (ANN ENCARNACION)

135

Related posts

Leave a Comment