HINDI SAKITAN KUNDI PANANAGUTAN ANG LAYUNIN SA IMPEACHMENT TRIAL NI VP DUTERTE – REP. ADIONG

ITINANGGI ng House prosecution panel ang paglalarawan ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial bilang isang “political bloodbath.”

Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, walang intensyon ang prosekusyon na saktan si Duterte sa larangan ng pulitika.

“Never po na intention ng prosecution na magkaroon ng sakitan. Ang intention po talaga ng prosecution ay pananagutan,” ani Adiong.

Giit ng mambabatas, dapat suriin ang kaso ng prosekusyon batay sa Articles of Impeachment, mga ebidensyang ihaharap sa rekord ng korte at mga sagot ng depensa.

Kinuwestiyon din ni Adiong ang paulit-ulit na paggamit ng salitang “dugo” kaugnay ng paglilitis.

“Hindi po namin alam kung saan nanggagaling itong dugo na parati po nilang ginagamit sa kanilang mga statement,” ani Adiong.

Sinabi pa ng kongresista na hindi dapat ilarawan ang impeachment process bilang pagsisikap na saktan ang isang tao dahil isa itong pormal na imbestigasyon sa asal ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan at sa tiwalang kaakibat ng kanyang posisyon.

(TINA MENDOZA)

154

Related posts

Leave a Comment