IPINAHAYAG ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na tanggapin ang alok ng San Miguel Corporation (SMC) na advance payment sa pamamahala sa 1,200-megawatt power plant sa Batangas na aabot sa P22 bilyon.
“We can use the money to augment the funds of the Department of Health and government hospitals in containing the spread of the coronavirus disease and in treating patients,” ani Defensor.
Sa pagdinig ng House committee on public account na pinamumunuan ni Defensor, at committee on good government ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, kinumpirma ng mga kinatawan ng ng South Premier Power Corp (SPPC) na subsidiary ng SMC ang kanilang kahandaan na bayaran na ang kanilang obligasyon hanggang Hunyo 2022.
“We will study it,” sagot ni Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) president at executive officer Atty. Irene Besido-Garcia kaugnay sa alok ng SPPC dahil nais umano ng mga ito na walang epekto ito sa P23.9 bilyon na kanilang hinahabol sa nasabing kumpanya.
Ang tinutukoy ni Garcia ay atraso umano ng SPPC na imbes na bayaran ay nagsampa ang kumpanya ng kaso sa Mandaluyong Regional Trial Court laban sa PSALM.
Bahagi ito ng mahigit P95 bilyon na utang ng mga oligarch sa PSALM na iniimbestigahan ng komite ni Defensor upang tulungan ang gobyerno na masingil ang utang na ito dahil kung hindi ay ang mga consumers ang magdudusa dito sa pamamagitan ng mataas na singil sa kuryente.
Kapwa naghihintay, ayon kay Defensor, ang PSALM at SPPC sa desisyon ng korte subalit pinanindigan ni Leyte Rep. Vicente Veloso na walang karapatan ang RTC na hawakan ang nasabing kaso.
Sinabi ni Veloso na base sa Republic Act (RA) 9136 o Electric Power Industry Reform Act of 2001, walang hurisdiksyon aniya ang mga korte na mas mababa sa Court of Appeals (CA) na hawakan ang kasong may kaugnayan sa enerhiya.
Tanging ang Energy Regulatory Commission (ERC) ang may “original and exclusive authority” sa mga ganitong uri ng usapin kaya nagtataka ito kung bakit tinanggap ng Mandaluyong RTC ang kasong isinampa ng SPPC. BERNARD TAGUINOD
203 