NANAWAGAN ang isang senador sa pamahalaan na dagdagan ang listahan ng mga gamot na dapat tapyasan ng presyo at bilisan ang pagbili ng medical at personal protective equipment para tugunan ang patuloy na pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19.
Giit ni Senador Imee Marcos, dapat isama sa listahan ng 72 gamot na ikinokonsidera ng pamahalaan na maisama sa price regulation, ang mga para sa may mahihinang immune system o silang mga “immunocompromised” gaya ng mga may sakit na diabetes, hypertension at lung disorder.
“Habang wala pang vaccine o lunas sa COVID-19, ang pag-asa na lamang ng mga mahihina ang immune system ay mas murang gamot,” ani Marcos.
Ginawa ni Marcos ang pahayag bago pa man isagawa ang technical working group o TWG mandatory meeting ng Department of Health at Department of Trade and Industry para talakayin ang 72 gamot na idaragdag sa dating listahan ng mga gamot na tatapyasan ang presyo.
Isasagawa ang pulong ng TWG, 30 araw makaraang ilabas ng Malacañang ang Executive Order 104, na nagpapatupad ng maximum wholesale at retail price sa 133 gamot noong Pebrero.
Maliban sa mas murang gamot, hiniling din ni Marcos sa health officials na bilisan ang pagbili ng personal protective equipment o PPE para sa mga medical staff na nasa frontline, at iba pang equipment gaya ng oxygen, ventilators at mga kama para sa mga pasyenteng nasa kritikal na kondisyon, lalo ngayon na nakaaalarma ang mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19. NOEL ABUEL
303 