PONDO VS COVID HUWAG TIPIRIN – MARCOS

INIHIRIT ni Senador Imee Marcos na maglaan ang pamahalaan ng emergency budget na P750 bilyon kontra sa COVID-19 sa harap ng isasagawang special session ng Kongreso ngayong araw ng Lunes.

Ayon kay Marcos, bilang Senate commitee on economic affairs chair, ang P750 bilyong emergency package na tinawag na Pag-ASA o Alaga, Sustento at Pag-angat, ay naglalayong mapabilis at magtuluy-tuloy ang suporta at proteksyon ng mga health worker, pagkain at tulong pinansyal sa mahihirap na Pinoy at stimulus package sa mga industriyang matinding tinamaan ng virus na may milyun-milyong mga manggagawa.

Naniniwala si Marcos na titindi ang pag-aalala at pagkakagulo ng publiko sa mga susunod na buwan kapag naglaan lang ang pamahalaan ng P200 bilyong emergency budget.

Kabilang naman sa mga suhestyon ng senador na pwedeng pagkunan ng unang P300 bilyon ng Pag-ASA emergency package ang pondong natira sa 2019 budget, calamity funds sa 2020 budget, intelligence at social funds mula sa Office of the President, PhilHealth emergency reserve fund at contingency fund mula sa department of education, agriculture, labor and employment, social welfare and development at public works and highways.

Dagdag pa ni Marcos, maaaring samantalahin ng pamahalaan ang upgrade sa investment ratings ng bansa at umiiral na mababang interest na  halos zero percent para manghiram ang Pilipinas ng P440 bilyon, na may 5.4% debt cap na kaya pa naman ng bansa mula sa dating 3.2%.

Sa Ngayon umano ay hindi pa alam ng Department of Health kung kailan aabot sa peak o rurok ang kaso ng COVID-19 infection kaya habang maaga pa, ikasa na ng gobyerno ang kaukulang badyet para sa health at food security sakaling palawigin ang lockdown na matatapos na ‪sa April 12. NOEL ABUEL

115

Related posts

Leave a Comment