KUNG mayroong dapat saluduhan at pasalamatan sa gitna ng problema sa coronavirus disease 2019 o COVID-19, walang iba kundi ang mga health workers na isinasakripisyo ang kanilang sariling kapakanan at kaligtasan para magamot at alagaan ang mga pasayente.
Hindi biro ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ng lahat ng health workers sa bansa ngayon na dumadaan sa matinding pagsubok dahil sa virus na ito na pinabayaan ng China kaya buong mundo ang apektado.
Apat na doctor ang namatay sa COVID-19 at marami pa ang nagkasakit. Kasama kayo sa aming panalangin. Hindi po namin kayo malilimutan. Kayo ang tunay na bayani sa giyerang ito.
Bukod sa itinataya ng health workers ang kanilang sariling kaligtasan ay isinasakripisyo din nila ang kanilang pamilya sa panahong ito para lang magamot ang mga nagkaroon ng COVID-19.
Marami sa mga kanila ang halos hindi na umuuwi sa kanilang bahay at yung iba na nakakauwi ay kusang ina-isolate ang sarili sa kanilang bahay para sa kaligtasan ng kaniyang pamilya na napakahirap na situwasyon.
Nakakainis lang kasi na may mga kababayan tayo na tinatawag na trolls na nagsasabi na bakit daw kailangang pasalamatan ang mga doctor, nurse, medical technicians, nurse aid at iba pang health personnels eh trabaho naman nila ang gumagamot ng mga nagkakasakit.
Oo, trabaho nga nila ang gumamot pero kailangan pa rin silang pasalamatan dahil kung baga sa giyera, sila ang nasa harap na lumalaban sa mga kalaban at hindi ang mamamayan. Tayo ang kanilang pinoproteksyunan.
Kailangan nila ang suporta nating lahat kaya imbes na maging ingrato tayo, eh pasalamatan na lang natin sila. Kung wala rin lang magandang sasabihin at nakikisakay sa isyu, puwedeng manahimik na lang kayong mga troll?
Hindi ito ang panahon na magwatak-watak tayo. Kailangang nating magkaisa sa giyerang ito dahil ang kalusugan ng sambayanang Filipino ang nakataya dito at kailangan natin ang frontliners… yan ang health workers.
Yung mga negosyante naman na nagtatago ng mga personal protection equipment at iba pang medical supply na kailangang-kailangan ng mga doctor, nurse, medtech at iba pang hospital staff, makonsensya naman kayo.
Sa giyera, kailangan din kayong magsakripisyo pero imbes na ‘yan ang gawin n’yo eh nagsasamantala kayo para lalo kayong yumaman. Aanhin niyo ang pera kung marami ang mamamatay dahil sa kagahaman n’yo? Wala ba kayong konsensya?
Maraming hospital ang kinakapos sa PPEs dahil wala silang makuhang supply at kung mayroon man, sobra ang taas ng presyo na hindi na makatarungan dahil sa kagahaman ng ilang negosyante sa medical sector.
Inilalagay ng mga tiwaling negosyante ito sa panganib ang mga health workers at iba pang frontliners sa giyerang ito kaya dapat lang silang lansagin at parusahan.
Lord Kayo na po ang bahala.
