NAGLAAN ng US$11.8 milyon ang Philippine Business for Social Progress o PBSP, sa pamamagitan ng ACCESS TB Project, bilang kontribusyon sa paglaban ng bansa sa coronavirus disease o COVID-19.
Sa katatapos na “Business-not-as-usual” webinar, inilahad ni PBSP ACCESS TB Project Program Manager Arnyl Araneta na nagmula ang naturang pondo sa 10 porsyentong bahagi ng kabuuang 118.5 milyong dolyar na ayuda ng United States Agency for International Development o USAID para sa mga programa upang pagalingin ang mga pasyenteng may tuberculosis o TB.
Ipinaliwanag ni Araneta, ang naturang alokasyon ay makatutulong upang proteksyunan laban sa COVID-19 ang mga nangangalaga sa may mga TB at mismong pasyente nito.
Habang 2.4 milyong dolyar nito ay inilaan na pambili ng mga personal protective equipment habang 1.1 milyong dolyar para sa mga biosafety cabinet.
May inilaan ding pondo para sa hazard pay, fit testing kits, Xpert machines at ibang gastusin.
Sa Bulacan, sinabi ni Gob Daniel Fernando, may isang unit ng biosafety cabinet ang ipagkakaloob mula sa nasabing pondo para sa Provincial Health.
Sinabi ni Fernando, patuloy ang pagpapatupad ng public health programs sa lalawigan partikular na ang pagpapagaling sa mga may TB kahit ngayong may pandemya. (ELOISA SILVERIO)
171