Sabwatang CPP/NPA/NDFP at isang malaking negosyante ‘KILL ORDER’ KAY CALIDA, NABUNYAG

PINANINIWALAANG nagkaroon ng ‘sabwatan’ at ‘pagkakasundo’ ang Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front of the Philippines (CPP/NPA/NDFP) at ang isang dambuhalang negosyante laban kay Solicitor General Jose Calida.

Ayon sa impormasyong galing sa ilang senior intelligence officer na nakabase sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City, nagbigay ng P50 milyon ang isang dambuhalang negosyanteng nakabase sa Metro Manila sa CPP/NPA/NDFP upang patayin umano si Solicitor General Jose Calida.

Bilang SolGen, si Calida ang pangunahing abogado ng administrasyong Duterte.

Tinanggap umano ng CPP/NPA/NDFP ang alok ng negosyante, posibleng, dahil sa multimilyong halaga ng ‘pera-perang usapan’ ng dalawang partido.

‘Malayo ang mararating’ o napakaraming paggagamitan ng P50 milyon, partikular na ng pamunuan ng CPP/NPA/NDFP na inirereklamo ng kasapiang nakabase sa iba’t ibang liblib na mga lalawigan sa Pilipinas dahil napakasarap ng kanilang buhay sa mga lungsod at ibang bansa.

Nakasaad sa kasaysayan ng bansa na ang CPP (itinatag noong 1968), NPA (noong 1969) at NDFP (noon namang 1964) ay marami nang kapwa nating Filipino ang ‘napatay’ at ‘namatay’ dahil sa pangmatagalang armadong pakikibaka ng grupong ito laban sa pamahalaan.

Ang ibig sabihin ng napatay ay mga taong sinadyang ipapatay ng pamunuan ng CPP/NPA/NDFP, samantalang ang namatay naman ay taong natodas sa gitna ng labanan ng mga ‘mandirigma’ ng NPA at mga sundalo at pulis ng pamahalaan.

Ang matindi sa mga napatay o ipinapatay ay ang mga kapitalista, opisyal ng pamahalaan, sibilyan, sundalo, pulis at iba pa na sadyang ipinapatay ng CPP/NPA/NDFP mula pa noong 1968.

Kahit sinong tao na sa tingin ng pamunuan ng CPP/NPA/NDFP na gumawa umano ng ‘krimen’ sa kanilang organisasyon at mamamayan ay ipinapapatay o ipinaaambus nila sa kanilang ‘killing unit.’

Kaya, hindi nakapagtatakang binansagan ng pamahalaan at ng maraming organisasyon na teroristang komunistang grupo ang CPP/NPA/NDFP, sapagkat naghahasik ito ng gulo o terorismo.

Matindi ang galit ng pamunuan ng CPP/NPA/NDFP sa administrasyong Duterte, sapagkat biglang tinuldukan ng pangulo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at CPP/NPA/NDFP.

Dahil dito, hindi nakapagtataka kung isa sa mga opisyal ng administrasyong Duterte ay patayin ng CPP/NPA/NDFP sa mga susunod na panahon.

Ayon sa impormasyong hawak ng ilang senior intelligence officer na nakabase sa Camp Emilio Aguinaldo, si Calida ay ‘nakapila’ sa listahan ng CPP/NPA/NDFP na hahatulan nila ng kamatayan dahil napakatindi umano ng nagawang kasalanan nito sa kilusang pambansa – demokratiko at mamamayang Filipino.

Ayon sa source, posibleng sinamantala ng CPP/NPA/NDFP ang matinding galit ng malaking negosyante dahil sa nagawa umanong ‘krimen’ ni SolGen Calida rito, kaya inalok ang teroristang grupo ng kapitalista upang ipapatay ang opisyal kapalit ang P50 milyon.

Ayaw banggitin ng senior intelligence officer ang eksaktong pagkakakilanlan ng higanteng negosyante kung ilalabas sa media ang impormasyong “kill order” kay Calida.

Sa yunit ng komunistang NPA na eksperto sa “assassination plot” umano ipagagawa ng CPP at NDFP ang planong pagpapapatay kay Calida, ayon sa kanila.

Tiniyak ng mapagkakatiwalaang source na ang impormasyon ng mga maniniktik ng pamahalaan kaugnay sa planong paglikida kay Calida ay ‘pinaniniwalaan’ na “highly reliable”.

Ayon sa parehong source, ‘sensitibo’ ang impormasyong nakalap nila mula sa ‘tao’ nila sa NPA, sapagkat ang interpretasyon nila rito ay ‘posibleng’ nagkaroon na ng alyansa ang CPP/NPA/NDFP sa nasabing higanteng negosyanteng nakabase sa Metro Manila. NELSON S. BADILLA

161

Related posts

Leave a Comment