LABIS na ikinalungkot ni Jane de Leon ang nangyari sa maraming baguhang artists ng ABS-CBN sa pansamantalang pagkakasara ng TV network noong May 5, 2020 dahil sa bisa ng cease and desist order na inisyu ng National Telecommunications Commission (NTC).
Si Jane ay ilan lamang sa mga baguhang artista na nagsisikap makagawa ng pangalan sa tulong ng ABS-CBN, pero dahil nagsara ang istasyon, wala pang kasiguraduhan kung ano ang mangyayari sa kanila.
“Sobrang nalungkot po ako nung nag-sign-off na ang ABS-CBN dahil hindi pa po ako makapaniwala na wala na, nagsara na ang network,” lahad ni Jane na gumaganap bilang bagong Darna pagkatapos tanggihan ni Liza Soberano ang role dahil sa health issue.
Dugtong ni Jane, “I also felt sad to those working in ABS-CBN, who are dependent of their family’s needs sa company, kasi ‘yun lang ang kanilang source of income. Naisip ko po kasi kung papaano na nga naman sila lalo na at nandito tayo sa sitwasyong limitado po ang lahat ng ating mga galaw.
“And of course, naisip ko rin ‘yung kapwa ko artists din, mga baguhan na nag-uumpisa pa lang buuin ang kanilang mga pangarap sa buhay kagaya ko po. Paano na po sila? Ano na ‘yung mangyayari sa amin?”
Habang hinihintay ni Jane na mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN at muli itong makapag-operate ay ibinahagi ng dalaga sa PUSH kung ano ang plano niyang gawin.
“My plan is just to continue doing what is required of me by the management and Darna production. Like, I’ve been regularly doing workout po while on quarantine,” sambit ng dalaga.
“I am also active on social media lalo na ngayon na pinayagan na rin akong mag- vlog which excites me kasi iniisip ko na rin po kung ano ang magiging first content ko.
“Nagsimula na rin po akong mag-post ng mga Tiktok videos ko na ginawa ko during quarantine,” pahayag pa niya.
Ayaw naman munang mag-comment ni Jane sa plano ng Star Cinema tungkol sa Darna at kung kailan ito magre-resume ng shooting.
DIRECTOR, NAGPALIWANAG SA KANSELASYON NG ‘MAKE IT WITH YOU’
Hindi kasama ang teleseryeng “Make It With You” na pinagbibidahan nina Liza Soberano at Enrique Gil, sa mga programang muling mapapanood sa bagong Kapamilya Channel sa cable and satellite TV habang sarado pa ang ABS-CBN dahil sa cease and desist order na iisyu ng NTC noong May 5, 2020.
Ang isa pang programa na hindi na rin magbabalik sa ere ay ang late afternoon series na “Pamilya Ko” na pinagbibidahan nina JM de Guzman at Sylvia Sanchez.
Wika ng manager ni Liza na si Ogie Diaz sa kanyang Facebook post, “Sa mga nagtatanong kung bakit hindi nakasama ang ‘Make It With You’ sa magbabalik sa telebisyon ngayong June… Ikinalulungkot ko pong ibalita sa inyo bilang manager ng isa sa bida (si Liza Soberano), na hindi na po ito mapapanood pa”.
Dagdag pa niya, aware din daw ang buong cast sa balitang ito pero hindi raw dapat malungkot ang fans ng LizQuen dahil magkakaroon naman ulit ng bagong teleserye ang dalawa in the future.
Nagpaliwanag din ang director ng LizQuen series na si Theodore Boborol kung bakit hindi na mapapanood ang serye.
“Believe me. It was also hard for everyone. Decisions had to be made. We respect and understand why it ought to be done,” lahad niya.
Samantala, ang mga teleseryeng “Love Thy Woman” (nina Kim Chiu, Xian Lim, Christopher de Leon, Eula Valdez, atbp), “A Soldier’s Heart” (nina Gerald Anderson, Sue Ramirez, Nash Aguas) at “FPJ’s Ang Probinsyano” (ni Coco Martin) ang siguradong muling mapapanood sa Kapamilya Channel simula June 13.
230