NAKAPAGTALA ang Department of Health Region 4-A ng 41 kaso ng COVID-19 kahapon, araw ng Linggo.
Sa probinsya ng Cavite, mayroon na lang 314 active cases, Laguna, 286 active cases, Batangas, 80 active cases, Rizal 262 at Quezon, 22 active cases.
Ayon sa DOH CHD4-A, pumalo na sa 2,399 ang kumpirmadong nagkaroon ng virus. Mayroon namang 27 pasyente ang bagong nakarekober sa buong rehiyon at may pangkalahatang bilang na 1,241 habang 194 naman ang mga namatay sa pandemya.
Samantala, pormal nang binuksan ang kauna-unahang GENEXPERT Laboratory sa buong rehiyon na matatagpuan sa Batangas Medical Center.
Ang laboratoryo ay may mga kagamitang cartridge-based technology na (XPERT-XPRESS SARS COV-2 RAPID PCR ASSAY) para masuri ang specimen ng isang pasyente. Gumagamit ng Real-Time Reverse Transcription–Polymerase Chain Reaction o RRT-PCR na ginawa ng Lyceum of the Philippines University Batangas sa pakikipagtulungan din ng DOH Regional Office at Batangas Medical Center at kayang magsagawa ng pagsusuri sa halos 30 pasyente bawat araw.
Ayon kay Department of Health Regional Director Eduardo Janairo, “Due to the current state of health emergency and the surge in the number of COVID-19 cases na patuloy na dumarami, kailangang gumawa ng paraan at agarang aksyon upang magkaroon ng augmentation sa kakulangan ng laboratory testing facility sa rehiyon. At sa pamamagitan nga nitong Gene Expert Laboratory ay makapagbibigay tayo ng agarang resulta at mabisang paraan upang mapigilan ang mabilis na pagkalat ng anomang sakit.”
Bilang karagdagang laboratoryo sa bansa, malaking tulong din ito sa buong rehiyon upang madaling matukoy at magamot ang pandemyang sakit na coronavirus. CYRILL QUILO
