CRIMINAL LIABILITY SA 12-ANYOS, LUSOT NA

CRIMINAL LIABILITY

(Ni BERNARD TAGUINOD)

SA loob lamang ng dalawang araw na sesyon, pinagtibay na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill (HB) 8858 o ang pagpapababa sa criminal liability ng mga batang nagkakasala sa batas.

Gayunpaman, sa halip na 9-anyos ang papanagutin sa batas kapag nagkasala, ay ginawa na itong 12- anyos mula sa kasalukuyang 15-anyos.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, pinagtibay sa ikalawang pagbasa ang nasabing panukala sa kabila ng matinding pagtutol ng ilang mambabatas at pro-child rights advocates.

Unang pinagtibay sa house justice committee na pinamumunuan ni Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon ang nasabing panukala noong Lunes kung saan ibinaba sa 9-anyos ang minimum age of criminal responsibility (MACR) mula sa kasalukuyang 15 anyos.

Agad na isinalang ito sa plenary debate noong Martes at itinuloy ito ngayon (Miyerkules) kung saan pinagbotohan sa pamamagitan ng viva voce voting at idineklarang panalo ang Aye o yes vote sa Nye o no vote.

Ang 12 yrs old na MACR ang itinutulak ng Senado partikular na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Sa susunod na linggo ay inaasahang pagtitibayin na sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala para ibigay sa Senado para sa kanilang hiwalay na bersyon.

177

Related posts

Leave a Comment