NAGBABALA ang Department of Justice (DOJ) na nagiging mapanganib ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) tools matapos itong magamit sa paggawa ng child sexual abuse materials.
Sa isinagawang Safer Internet Day 2026 Multi-Stakeholder Press Conference sa DOJ sa Maynila, sinabi ng Plan International Pilipinas na dapat mag-ingat ang publiko sa pag-upload at paggamit ng personal na larawan online.
Ayon kay Executive Director Pebbles Sanchez-Ogang, kahit nakaaaliw ang AI, may kaakibat itong matinding panganib lalo na sa mga bata.
“Because you are offering your image—yourself—to the AI world, and if it’s a young child who is accessing that, then that means my photo can be used by the AI space, by the digital space,” ani Sanchez-Ogang.
Babala pa niya, madali na umanong manipulahin ang mga larawan gamit ang teknolohiya.
“Madali na lang mag-superimpose ng picture ng isang bata sa isang picture at video. That is very dangerous and alarming,” dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Council for the Welfare of Children Undersecretary Angelo Tapales na krisis na ang paglaganap ng AI-generated abuse materials dahil mahirap nang matukoy kung alin ang tunay at alin ang peke.
“Hindi po dapat tayo tumigil. It is really a whole-of-nation approach. Walang isang agency na makaka-solve niyan,” giit ni Tapales, kasabay ng panawagang paigtingin ang prevention, intervention, rehabilitation at reintegration programs.
(JULIET PACOT)
5
