NAGBABALA ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko, lalo na sa kalalakihan, senior citizens at mga biyudo, laban sa tumitinding modus ng love scam habang papalapit ang Valentine’s Day.
Ayon sa CICC, karaniwang tinatarget ng mga sindikato ang matatanda at biyudong lalaki batay sa ginagawang profiling ng mga manloloko. Kadalasan umano sa nabibiktima ay mga negosyante at retirees.
Ibinunyag ni CICC Executive Director Usec. Aboy Paraiso na mula Enero 9 hanggang Pebrero 6 ay nakapagtala na ang ahensya ng 18 kaso ng love scam na pawang may edad ang mga biktima.
Sa inilabas na datos ng CICC, karamihan sa mga reklamong natatanggap nila ay mula sa mga lalaking naloloko sa online relationships.
Batay sa imbestigasyon, ginagamit ng mga scammer ang tinatawag na seducer at escort archetypes upang makapangloko. Karaniwang gumagamit ang mga ito ng kaakit-akit ngunit pekeng larawan upang makuha ang tiwala ng biktima.
Sa ilang kaso, nagpapanggap ang mga suspek bilang escort na pumapayag sa personal na pagkikita ngunit hihingi muna ng pera bago tuluyang maglaho.
Dahil dito, mahigpit na ipinapayo ng CICC ang pagpapatupad ng zero trust policy sa internet upang maiwasan ang panloloko.
Kaugnay nito, nagpaalala rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pamamagitan ng kampanyang #BSPSecuriTips laban sa mga “love language” na may kasamang hingi ng pera o tulong pinansyal.
Ayon sa BSP, dapat magdoble-ingat ang publiko sa mga online na pakikipag-ugnayan lalo na kung may usapang pera, dahil ito ay madalas na ginagamit ng mga scammer upang makapanloko.
Pinaalalahanan ng BSP ang publiko na gawin ang #CPR o Check, Protect, Report upang masiguro ang ligtas na pagbabangko.
(JESSE RUIZ)
4
