UPANG hindi gaanong makasagabal sa trapiko, binuksan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno”Domagoso ang Quirino Grandstand sa Rizal Park sa Ermita, Manila, bilang bagong site sa drive thru- testing para sa COVID-19.
Ipinasya ng alkalde na magdagdag ng bagong site dahil sa pagsisikip ng trapiko makaraang dumagsa ang mga motorista na gustong sumailalim sa COVID-19 test.
Nalaman na ang pila ng mga motorista na gusto magpa-test ay umabot hanggang sa United Nation Avenue mula sa Bonifacio Shrine.
Nabatid na matapos makipag-usap kay National Parks Development Committee (NPDC) Executive Director Cecille Lorenzana-Romero, napagkasunduan nila ni Domagoso na maglagay ng panibagong testing site sa Grandstand.
“Dito po, mas malaki, mas mahaba, at mas convenient,” ayon kay Domagoso matapos na inspeksiyunin ang lugar.
“Bigya’n nyo lang ako 48 hours. I will do my very best with the help of our co-workers.
Pipilitin namin lagi magbuti, to be better, we will continue to listen to you. We will continue to adapt sensible suggestions,” dagdag pa ng alkalde Ayon pa sa alkalde, kayang mag-test ng hanggang 700 katao at lalagyan din ng lanes para sa tricycle drivers, pedicab drivers at mga rider ng motorsiklo at iba pang non-motorized vehicle. (RENE CRISOSTOMO)
