Higit 7-buwang inantala ng DBM SAHOD NG MGA NARS, ITINAAS NA

INAASAHANG mahigit P30,000 na ang maiuuwing minimum na sahod ng mga nars sa mga ospital na pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan sa katapusan ng buwan dahil itinaas na – sa wakas – ng Department of Budget and Management (DBM) ang kanilang buwanang sahod nitong Hulyo 17.

Ang pagtaas mula sa salary grade 11 (SG-11) hanggang SG-15 ay nakabatay sa Budget Circular 2020-4 ng DBM.

Sa nangyaring ito, sinunod at ipinatupad lamang ng DBM ang desisyon ng Korte Suprema noong Oktubre 2019 na nagsasabing legal at wasto ang Seksiyon 32 ng Republic Act No. 9173 o ng Philippine Nursing Act of 2002 na nagsasabing ang mga nurse sa mga ospital na pag-aari at pinangangasiwaan ng pamahalaan, ay dapat mahigit P30,000 ang buwang sahod para sa SG-15 at hindi ang SG-11 na P20,754.

Sa nasabing desisyon ng mataas na korte, kailangang isama sa batas ng badyet ng pamahalaan ang nasabing umento sa sahod ng mga nars sa gobyerno.

Kinilala, sinunod at ipinatupad din ng Kongreso ang desisyon ng Korte Suprema.

Kaya sa P4.1 trilyong badyet ng pamahalaang para sa taong ito, naipasok ang P3.173 bilyong upang maibigay ang sahod ng mga nars na P30,531 banggit ni Senador Panfilo Lacson. Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P4.1 trilyong 2020 badyet noong Enero 6.

Ani Lacson, “Definitely, no amount is enough to show our appreciation for the sacrifices and hard work of our nurses, especially those in the frontlines. Still, this pay increase – which was sought even before the COVID pandemic hit – will be of help to them in one way or another.”

Umaasa si Lacson na “the pay increase should hopefully make a difference for them.”

Batay sa Executive Order 201 ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, P30,531 (SG-15) ang minimum na sahod ng mga nars sa mga pampublikong pagamutan, sa halip na P20,754 (SG-11) na siyang ipinatupad ni Aquino sa kanyang anim na taong termino.

Hindi pa man nakararating sa bansa ang pandemyang coronavirus disease-2019 (COVID-19) ay napakatagal nang nanawagan ang mga nars na itaas ang kanilang buwanang sahod at mga benepisyo na itinakda ng RA 9173 at noong 2002 pa naging batas dahil hindi na sapat ang kanilang sahod sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, buwanang bayarin sa bahay tulad ng kuryente, tubig, internet at iba pa. (NELSON S. BADILLA)

156

Related posts

Leave a Comment