TULOY ang pamamayagpag ang ilegal na droga sa Caloocan City kahit may ipinatutupad na general community quarantine (GCQ), patunay rito ang pagkakadampot sa limang drug personalities sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod noong Linggo ng gabi hanggang nitong Lunes ng madaling araw.
Alas-2 Lunes ng madaling araw nang madamba sa Rizal Ext. Ave. Brgy. 48, 3rd Avenue ang mga suspek na sina Edward Bulo, 23, at Vergel Ronson, 37, na namataan ng mga pulis na nag-aabutan
ng shabu.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang apat na sachet ng shabu na naglalaman ng dalawang gramo at tinatayang P13,600 ang halaga.
Bago naman maghatinggabi noong Linggo ay nakumpiskahan ng isang sachet ng shabu na P4,080 ang halaga ang suspek na si Rochelle De Guzman, 38, sa #174 Reparo Road, Baesa St., Brgy 161, habang nakatakas ang dalawang katransaksyon.
Sa ganoon ding oras natimbog sina Demil Duque, 39, at Richard Sayce, 30, na nakumpiskahan ng isang sachet ng shabu ng mga pulis at opisyal ng barangay opisyal na nagsasagawa ng Oplan Galugad sa Libis Orkana, Brgy. 20. (ALAIN AJERO)
175
