NAARESTO ng tropa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang most wanted na dating kongresista na si Ruben Ecleo at kanyang driver sa operasyon sa Diamond Subd., Balibago, Angeles, Pampanga.
Ikinasa ng tropa ni Col. Randy Glenn G. Silvio, officer-in-charge ng NCRPO Regional Mobile Force Battalion
ang operasyon laban sa wanted na dating kongresista dakong alas-4:30 ng umaga kanina.
Sa ulat, nauna nang isinailalim sa surveillance ng NCRPO Intelligence Unit si Ecleo na natunton kasama ang kanyang driver na si Benjie Relacion Fernan, alyas “Smile”, sa nasabing subdibisyon sa Pampanga.
Kasamang dinakip si Fernan dahil sa pagkanlong kay Ecleo.
Sa report ni NCRPO Director MGen Debold Sinas kay PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa, ang pag-aresto kay Ecleo ay batay sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa Sec 3
(e) of RA 3019 “Anti-Graft and Corrupt Practices Act” na inisyu ng 1st Division ng Sandiganbayan.
Ang dalawang suspek ay dinala sa NCRPO, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City para sa interogasyon.
Si Ecleo ang number 1 sa most wanted reward list ng DILG na may patong na 2 milyong piso para sa kanyang ikadarakip. (SAKSI NEWS TEAM)
