KAILANGANG IPASA NA ANG MUNGKAHING DEATH PENALTY LAW

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA
PALAGI namang nakagu­gulat ang mga ideya ni Pangulong Rodrigo Duterte tuwing State of the Nation Address (SONA) nito.
Kaya, walang dapat ipagtaka sa kanyang mga pahayag.
Biruin n’yo, nitong ikalimang SONA niya ay binira si Senador Franklin Drilon dahil kinampihan ng mambabatas ang mga Lopez.
Siguro, nahimasmasan si Drilon habang mataimtim na nakikinig na animo’y natutulog nang banggitin ni Duterte ang apelyidong “Drilon”.
Bahagi pala si Drilon ng “state of the nation?”
Pokaragat na ‘yan!
Binanggit din si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go at ang proyekto nitong Malasakit Center sa buong bansa.
Bahagi rin pala si Go at ang Malasakit Center ng state of the nation address?
Dapat buong kalagayan ng sistemang pangkalusu­gan ng bansa ang inihayag ni Duterte, lalo pa’t malaking isyu ito ngayon dahil pataas nang pataas ang bilang ng mga Pilipinong tinatamaaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Hindi lang si Bong Go at Malasakit Center nito.
Hindi ako interesado kina Drilon at Go.
Mas gusto ko ang tungkol sa pagpasa ng panukalang batas hinggil sa “death penalty”.
Matagal nang wala ang parusang kamatayan sa Pilipinas dahil ipinatigil ito ni Gloria Macapagal – Arroyo noong 2006 sapagkat napakalakas ng pagtutol noon ng mga galit sa parusang kamatayan.
Marami silang argumento tulad ng hindi matutuldukan ang paggawa ng mga karumal-dumal na krimen ng mga kababayan natin sa kapwa natin at tanging Diyos lamang ang mayroong karapatang kunin ang buhay ng tao at marami pang iba.
Mula noong nawala ang death penalty law sa bansa ay hindi rin tumigil ang mga patayan, panggagahasa at bentahan ng iligal na droga.
Noong ikaapat na SONA ni Duterte, nabanggit niya ang tungkol sa pagpasa ng Kongreso sa parusang kamatayan, ngunit hindi ito naganap.
Nitong ikalimang SONA, muling nabanggit ni Duterte ang parusang kamatayan.
Ang kaibahan lang ay tinukoy ni Duterte na ang parusang kamatayan ay patungkol lang sa krimeng tinukoy sa Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa isang senador na naging kontrobersiyal i­lang taon na ang nakalilipas nang nabunyag sa media ang pinaniniwalang koneksiyon nito sa iligal na droga, napakaganda ng tsansa na maipasa ang panukalang batas tungkol sa parusang kamatayan dahil nagpokus lang si Duterte sa krimeng pasok sa R.A. 9165.
Gusto kong maipasa na ito dahil pabor ako sa kamatayan bilang parusa sa mga gumawa ng mga karumal-dumal na krimen at pagtutulak ng iligal na droga.
Para sa akin, tama lang na kamatayan ang iparusa kapag ginahasa at pinatay ang anak kong babae ng isa o ilang adik.
Tama lang na mawala sa mundong ito ang mga taong nagbebenta ng iligal na droga.
Nabasa ko ang isang istorya sa Saksi Ngayon na ang nilalaman ay tutol ang ilang senador sa death penalty law dahil hindi raw ito ang solusyon, kundi ang pagpapalakas sa criminal justice system sa bansa.
Kaya, ang punto ng mga senador mula sa oposisyon ay ayusin ang criminal justice system.
Dapat naman talagang resolbahin ‘yan dahil totoo namang napakatindi ng kapalpakan ng sistemang pangkriminal ng bansa.
Napakahaba at napakakapal ng mga ebi­densyang hindi patas ang pagpataw ng hustisya sa bansa.
Bihirang-bihira na nakukulong ang mga milyonaryo, pulitiko at makapangyarihang tao.
Kung mayroon mang makulong na mga milyonaryo, pulitiko at makapangyarihang nilalang ay sila pa rin ang “naghaharing uri” sa bilangguan at ang mga bilanggo na mga manggagawa, manggagawang-bukid, magsasaka, mangingisda at iba pang pangkaraniwang tao ay nananatiling kalunus-lunos ang kalagayan sa ‘laylayan’ ng mga kulungan.
Ngunit, kahit maiayos, mapalakas at mamayani ang katarungan sa sistemang magtutuwid sa mga kriminal, tiyak hindi matitigil ang iligal na droga sa Pilipinas.
Patuloy itong mamamayagpag sapagkat napakabilis maging bilyonaryo sa negosyong ito.
Kahit maging kontrolado ng komunistang pangkat ang ating bansa ay siguradong hindi matutuldukan ang iligal na droga.
Ipapaalala ko lang po na ang mga droga sa ating bansa ay galing China na noon pang 1959 kontrolado ng iilang pinuno sa Chinese Communist Party (CCP).
Pumapasok sa Bureau of Customs (BOC) at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga droga.
Unawaing mabuti nina Senador Francis Pangilinan, Senador Franklin Drilon at Senadora Ana Theresia Hontiveros na ang kon­teksto ng ideyang pagbabalik sa parusang kamatayan laban sa mga taong sangkot sa iligal na droga ay ang kasalukuyang panahon.
Kailangang mawala na sa mundo ang mga drug lord, high value target (HVT) at ang kanilang mga protektor.
Kung makukulong ang mga taong ito nang habambuhay, patuloy silang nagpapatakbo ng negosyong droga habang nasa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Nagagawa nila ito dahil pihadong mayroon silang kasabwat sa loob ng NBP o Bureau of Corrections (BuCor).
Okey ba ito kina Pangilinan, Drilon at Hontiveros?
203

Related posts

Leave a Comment