Mga datos, dinodoktor? DOH, NILOLOKO ANG PUBLIKO

MULING nairita ang mga senador sa bagong sistemang ipinatutupad ng Department of Health (DOH) sa pagre-report ng mga datos hinggil sa COVID-19.

Sinabi ni Senador Joel Villanueva na sa nangyayari, lumalabas na mas kapani-paniwala pa ang mga palabas sa perya kumpara sa ibinibigay na report ng DOH.

“Yung reporting style ng DOH, mas malala pa sa pagbago-bago ng panahon #DOHunreliable #WeAreBeingFooled,” saad ni Villanueva.

“38k recoveries in 1 day only shows there’s a problem with data interpretation. Worse, it’s giving people a false sense of security. Imbes na mass testing, naging mass recovery,” dagdag pa nito.

Binuhay naman ni Senador Kiko Pangilinan ang panawagan para sibakin si Health Secretary Francisco Duque III.

“May himala ba? May madyik? Ang mga doktor, dapat nagpapagaling sa pasyente, hindi nangdudoktor ng numero at impormasyon,” saad ni Pangilinan.

Nagbabala si Pangilinan na ang bagong interpretasyon ng DOH ay magdudulot ng panganib dahil nagbibigay ito ng “false sense of security” sa mga pasyente na magaling na sila kahit hindi
sumalang muli sa test.

“Makakapanghawa at mas maraming magkakasakit pag ang maysakit ay tinawag na ‘recovered’ kung hindi naman ito na-test. Patayin ba ang taumbayan ang gustong mangyari ng gobyerno?” diin
nito.

Nagpahayag naman ng pagdududa si Senador Risa Hontiveros sa bagong data interpretation ng DOH kasabay ng pagsasabing dapat anyang ayusin ng DOH ang kanilang komunikasyon sa publiko.

“Wala pa ngang mass testing, may mass recovery na! Nakakalito at nakakaduda ang papalit-palit na reporting system sa COVID-19. Dahil sa kabagalan ng pag-collate at pag-report ng data, at ngayon pati sa recovered cases, nalilito na ang publiko,” diin ni Hontiveros. (DANG SAMSON GARCIA)

168

Related posts

Leave a Comment