KAWAWANG lahi ni Juan Dela Cruz mukhang malalagay sa alanganin ang kalusugan sa taong 2022 dahil mauubos na raw ang pondo ng PhilHealth sa nasabing taon.
Dahilan daw ng pagkaubos ng pondo ng PhilHealth ay dahil sa pandemyang umiiral ngayon sa bansa.
Sagot daw kasi ng PhilHealth ang mga pasyente na may kinalaman sa Covid-19 sa buong bansa. May katotohanan na sila ang gumagastos sa mga pasyente ngayon na may Covid-19.
Sabihin na natin sila ang gumagastos sa mga pasyenteng may Covid-19, tapos sinabayan pa ng korapsyon, paano na ang kalusugan ng lahi ni Juan pagdating ng 2022?
Labing limang bilyong (P15B) piso raw ang nalustay sa PhilHealth ng mga opisyal nito. Ang korapsyon ay ibinulgar ni Atty. Thorrsson Montes Keith na may mafia raw sa PhilHealth.
Sabi tuloy ng mga tagasubaybay ng PUNA na ‘walang usok, kung walang apoy’. Kaya hindi sila naniniwalang walang korapsyon sa PhilHealth.
Alam naman natin na awtomatikong kinakaltas mula sa suweldo ng mga ordinaryong manggagawa ang kontribusyon para sa PhilHealth. Layunin ng kontribusyon na ito ay para sa medical na usapin o kalusugan ng mga manggagawa kasama ng kanyang immediate family.
Ngayon kung mauubos na ang pondo nito sa taong 2022, kawawa naman ang mga ordinaryong mamamayan.
Kaya nga sila nag-iipon para pagdating ng panahon ay may maaasahan sila pagnagkasakit ang miyembro ng pamilya nila.
Kung hindi tayo nagkakamali, ang PhilHealth ito ay ang dating medicare na kaya binago ang pangalan nito ay dahil din sa korapsyon. Tapos ngayon korapsyon na naman ang problema.
Suhestiyon tuloy ng magbabasa ng PUNA na dapat bitay na raw ang parusa sa nasasangkot sa korapsyon. Ang alam natin mabigat na ang parusa pagdating sa korapsyon ito ang tinatawag na ‘plunder’ na kapag tumaas ng mahigit sa 50 milyong pisong ay sakop na nito.
Ang kasong ‘plunder’ ay walang piyansa kaya mabigat na rin katumbas nitong parusa. Tulad niyang labing limang (P15B) bilyong piso na kinorap sa PhilHealth ibig sabihin pasok yan sa ‘plunder’.
Pumasok na sa usapin ng korapsyon sa PhilHealth ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC). Mag-iimbestiga na raw si PACC Commissioner Greco Belgica sa PhilHealth para alamin kung gaano katotoo ang ibinulgar ni Atty. Keith.
Nauna na rito, sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng PhilHealth dahil nga sa katiwalian. Ngayon ayan korapsyon na naman ang isyu sa PhilHealth.
Lagi na lang talo ang mga ordinaryong mamamayan pagdating sa pananamantala ng mga nakaupong opisyal ng gobyerno at pribadong kumpanya na nagbibigay ng serbisyo tulad ng tubig.
Nangyayari sa mga pribadong kumpanya, yumayaman ang kanilang negosyo, samantala ang negosyong pinatatakbo naman ng gobyerno ay nababakangkarote, isa na rito ang PhilHealth.
Paano natin pagkakatiwalaan na pwedeng ibalik sa gobyerno ang Manila Water at Maynilad kung ganyan din lang malala ang korapsyon sa mga negosyo na pinatatakbo ng gobyerno?
Halos lugmok na ang ekonomiya ng Inang Bayan tapos sasabayan pa ng korapsyon, saan tayo pupulutin niyan?
-oOo-
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
