Ikakasa ng inter-agency task force na pinabubuo ni PDuterte LIFESTYLE CHECK SA PHILHEALTH OFFICIALS

IPINAG-UTOS na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglikha o pagtatatag ng inter-agency task force na mag-iimbestiga sa anomalya sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, inatasan ng Pangulo ang pagbuo ng task force na kinabibilangan ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Office of the Executive Secretary, Undersecretary Jesus Melchor Quitain of the Office of the Special Assistant to the President at Presidential Anti-Corruption Commission.

Maliban sa pagsasagawa ng imbestigasyon, may awtoridad din ang task force na magsagawa ng lifestyle checks, magsuspinde ng mga opisyal at empleyado at kasuhan at ipakulong ang
mapatutunayang dawit sa anomalya.

Ang desisyon ng Pangulo ay matapos sumingaw ang alegasyon laban sa mga PhilHealth official na di umano’y nakapagnakaw ng P15 billion mula sa state health insurer sa pamamagitan ng ilang
mapanlinlang na pamamaraan.

Nauna rito, sinabi ni Senador Bong Go na inirekomenda niya kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglikha ng Task Force na mag-iimbestiga sa mga anomalyang nakapalibot sa ahensiya.

Idinagdag pa ni Go na tututukan ngayon ng Task Force ang PhilHealth subalit sa kalaunan ay sakop na rin nito ang mga ahensiya na may isyu ng sistematiko at malalim na ugat ng korapsyon gaya ng Bureau of Customs na patuloy na inaakusahan ng di umano’y anomalya sa hanay nito.

Binigyang-diin ni Go ang pangyayari nang maharap ang mga Filipino sa krisis sa pangkalusugan ay kaagad umaksyon ang pamahalaan upang tugunan ang isyu ng korapsyon sa pamamagitan ng
“whole-of-government approach” na maaaring gawin ng panukalang Task Force na may “enough teeth” para madala ang “six key mandates” nito gaya ng mag-imbestiga, magsagawa ng lifestyle
check, audit, magrekomenda ng suspensyon, maglitis at magsampa ng kaso at ipakulong ang mga responsable sa anomalya.

“Itong isyu sa PhilHealth, halos taon-taon na ito iniimbestigahan ng Senado. Nakailang palit na rin tayo ng liderato, pang-apat na PhilHealth President na ito, at nagkaroon na rin ng board revamp, pero mukhang nasa loob ng ahensya at sa baba talaga ang problema,” ayon kay Go.

“Ang papel ng Task Force ay mag-imbestiga, mag-file ng kaso, mag-recommend ng suspension, mag-lifestyle check, mag-audit at maglagay sa kulungan ng mga opisyal at empleyado na
mapatunayang nagnanakaw ng pera ng taumbayan. Hindi lang sa mga nasa taas kundi pati rin ‘yung mga kawani ng gobyerno under the Civil Service na mapapatunayang parte ng maduming
sistema ng korapsyon,” paliwanag ni Go, chairman ng Senate Committee on Health. (CHRISTIAN DALE/NOEL ABUEL)

152

Related posts

Leave a Comment