MANUFACTURERS NG COVID-19 SUPPLIES, BIBIGYAN NG TAX CUTS

PINABIBIGYAN ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng tax cuts ang lahat ng gumagawa o nagmamanupaktura ng personal protective equipment (PPEs), test kits, ventilators at iba pang
medical products na ginagamit sa paglaban sa corona virus 2019 (COVID-19) upang matiyak ang sapat na suplay nito.

Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na lubhang nagmahal at kinapos ang raw materials sa paggawa ng PPEs at iba pang medical supplies dahil sa pandemya.

“Isiniwalat ng pandemya na wala dito sa Pilipinas ang gumagawa ng mga critical na mga medical supplies na ito. At the onset of the pandemic, the supply of these critical products and its raw
materials became scarce, inaccessible, and expensive. Kulang, di-abót, at di abot-kaya,” ayon kay Pangilinan sa kanyang paliwanag sa Senate Bill 1759.

“Kinumbinsi pa ng Board of Investments ang mga existing manufacturing firms na mag-repurpose ng kanilang operations. Kaya lang, nakikipagkumpetensya pa rin itong mga manufacturing firms sa mga substandard imported product, pekeng imported PPEs, at mas pinapaborang imported PPEs kaysa sa gawang Pinoy,” dagdag niya.

Mahigit dalawang linggo na ang nakalipas, ibinunyag ni Pangilinan kasama sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Risa Hontiveros ang pagkaantala sa pag-aapruba sa mas mura,
mas epektibo na Filipino-made COVID test kits. Ilang oras ang nakalipas, inaprubahan ito ng Department of Health kaya bumagsak ang halaga ng inangkat na test kits ng 26%.

“In order to avoid a similar dilemma in the future, this measure seeks to give incentives to local manufacturers and producers of these critical products and suppliers of critical services,” ayon kay
Pangilinan.

Nakatakda sa SB 1759 o ang Pandemic Protection Act of 2020, hindi sisingilin ng custom duties, VAT at iba pang buwis at bayarin na itinakda ng Bureau of Customs, Food and Drug Administration, at iba pang ahensiya ang pag-aangkat ng capital equipment, spare parts at accessories, raw materials at iba pang kailangan sa paggawa ng PPEs, test kits at ibang medical supplies vs virus.

Sakaling maisabatas ang panukala, exempted din sa Value Added Tax ang pagbebenta nito sa lokal na pamilihan na ilalagay sa website ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pamamagitan ng isang Revenue Memorandum Circular.

Magagamit din ng manufacturers ang exemption kung lilipat sila sa bansa o magpapalawak ng operasyon kung makakamit nila ang requirements ng batas. (ESTONG REYES)

128

Related posts

Leave a Comment