MAPATUNAYAN KAYANG SILA AY KORAP?

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

 

NAITANONG ko ito dahil marami nang isinagawang imbestigasyon ang Senado na katiwalian at korapsyon laban sa mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, ngunit kapag inimbestigahan at sinampahan ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ay nananalo ang mga opisyal na sinampahan ng kasong korapsyon, o pandarambong.

Napapatunayan ng Sandiganbayan na inosente ang mga opisyal ng pamahalaan sa korapsyon, o panradambong dahil kapos ang ebidensiya laban sa kanila.

Wala raw nakitang katibayan na magpapatunay na direktang lumahok ang mga opisyal ng pamahalaan sa naganap na krimeng korapsyon, o pandarambong.

Ilang opisyal na ba ng pamahalaan ang inimbestigahan sa Senado mula noon?

Nasaan na ba sila ngayon?

Masasabi kong lahat ay malaya kahit milyun-milyon ang mga natukoy sa Senado na gumawa ng krimeng korapsyon, o pandarambong.

Ang isa pa nga sa kanila ay muling naging senador.

Ngayong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay napakaraming opisyal mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang inimbestigahan ng Senado tulad ng mga opisyal sa Bureau of Customs

(BOC), Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Immigration (BI), ngunit hanggang ngayon ay wala pang resulta.

Hanggang ngayon ay wala pang resulta ang ‘masusing imbestigasyon’ at ‘mahusay na pagpapalakas ng mga kaso’ ng Office of the Ombudsman laban sa mga opisyal ng BOC, BuCor at BI.

Napakatagal naman.

Itong Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay ilang ulit nang inimbestigahan sa Senado, ngunit sinu-sino na ba sa opisyal at kawani rito ang ki nasuhan at nakulong dahil “guilty!” sa pandarambong, o kahit sa korapsyon na mas mababa sa P50 milyon ang ninakaw na pera?

Muling iniimbestigahan ng mga senador ang PhilHealth dahil sa malaganap na korapsyon ng mga opisyal at kawani ng ahensiyang ito.

Ang daming lumalabas na halaga ng pera tulad ng P154 bilyon mula 2013 hanggang 2018, P15 bilyon sa termino ni Ricardo Morales, P3 bilyon kada linggo at marami pang iba.

Sabi nga ni Atty. Thorrsson Montes Keith sa kanyang liham ng pagbibitiw sa pagiging legal officer ng Anti-Fraud ng PhilHealth nitong Hulyo 23, “malaganap ang korapsyon” sa nasabing ahensiya.

Si Etrabol Laborte ay u maming hindi na niya masikmura ang malaganap na korapsyon sa PhilHealth, kaya nitong Hulyo 17 ay iniwan na niya ang pagiging punong executive assistant ni Morales.

Malaganap na korapsyon ang dahilan ang pag-alis ni Laborte at hindi “pag-aaral ng Ph.D.” ang rason tulad nang binanggit ni Morales sa media, isang araw makaraang magbitiw sa puwesto si Keith.

Nang pumutok ang panibagong isyu sa PhilHealth ay saka lamang nadiskubre ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na napakasahol pala ang korapsyon sa PhilHealth.

Ganito ang pahayag ni PACC Commissioner Greco Belgica: “Madami na kaming inimbestigahan, kinasuhan, pinatanggal at pinakulong, Pero ang isyu ng PhilHealth, grabe po ito. Grabe ang nakawan, grabe ang kakapalan, grabe ang kawalanghiyaan.”

Kung nasusubaybayan ninyo ang mga balita tungkol sa PhilHealth ay siguradong madidismaya kayo nang todo sa iba’t ibang diskarte ng pangungulimbat ng milyun-milyon hanggang bilyun-bilyong pera ng mamamayan.

Ang pondo sa PhilHealth ay literal na pera ng mamamayan at mga negosyante dahil pareho silang nagbabayad sa PhilHealth.

Tapos, malalaman mo na lang na milyun-milyon hanggang bilyun-bilyon pala ang nawalang pera sa ahensiyang ito na ibinayad ng mamamayan at mga negosyante bunga ng malaganap na

korapsyon.

Pokaragat na ‘yan!

Ang nakabubuwisit rito ay ang ilan sa kanila ay wala pang isang taon sa PhilHealth tapos P15 bilyon na ang perang nawala.

Samantalang, maraming kasapi ng PhilHealth ang hindi pa nakatitikim ng benepisyo dahil hindi pa sila na-confine sa ospital tulad ng misis ko.

Napakatagal nang nagbabayad ang misis ko sa PhilHealth, pero hindi pa niya ito napakinabangan dahil hindi pa siya nagkaroon ng malalang sakit upang gamutin siya ng mga doktor.

Salamat sa Diyos, ngunit hindi ‘yan ang punto.

Ang punto ay napakalaking halaga na rin ang naiawas sa sahod niya, patunay na nasusunod ang batas tungkol sa PhilHealth.

Maraming miyembro ng PhilHealth na kapareho niya ang karanasan.

Sa PhilHealth kasi, mapakikinabagan mo ito kung naospital ka.

Aakuin ng PhilHealth ang ilang porsiyento ng babayaran mo sa ospital, depende sa klase ng sakit mo.

Pero, kung hindi ka nagbayad ng nakalipas na anim na buwan bago ka maospital ay hindi ka matutulungan ng PhilHealth kahit nagbayad ka pa ng ilang dekada bago sumapit ang anim na buwan bago ka na-confine sa ospital.

Tapos, mababalitaan mo na lang na “gatasan” ng mga opisyal ng PhilHealth ang ahensiyang ito.

Hindi na nga kaluskos ang nangyayari kundi sumasabog ang malaganap na korapsyon, ngunit ayaw pa ring tanggalin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto si Morales sa pagiging pangulo at chief executive officer ng PhilHealth.

Pagkatapos nito, sasampahan ng mga kasong kriminal ang mga sangkot sa korapsyon at panrambong sa PhilHealth sa Office of the Ombudsman.

Pagkatapos, isasampa ng Ombudsman sa Sandigangbayan.

Ano ang dulo nito?

Mapatunayan kaya sa Sandiganbayan na sila ay korap, o mandarambong?

146

Related posts

Leave a Comment