‘MURDER’ ANG KORAPSYON SA PPE – WHO

IDINIIN ng World Health Organization (WHO) na “murder” ang korapsyong ginagawa sa personnel protective equipment (PPE) na ginagamit laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ayon kay WHO Director General Tedros Adhanom Ghebreyesus, hindi katanggap-tanggap ang anumang porma ng korapsyon.

“However, corruption related to PPE … for me [is] actually [tantamount to] murder. Because if health workers work without PPE, we’re risking their lives. And that also risks the lives of the people they serve,” paliwanag ni Tedros.

Reaksyon ito ni Tedros nang tanungin siya ukol sa napabalitang korapsyon sa South Africa kaugnay sa ginagawang pagsugpo sa COVID-19.

Akmang-akma ang posisyon ng pinuno ng WHO sa Pilipinas dahil nitong Abril at Mayo ay isiniwalat ng dalawang senador at isang kongresista na napakamahal ng presyo ng PPE na inorder ng Department of Health (DOH) sa ibang bansa.

Bukod sa mahal ang presyo, iginiit din nilang mahina ang kalidad ng nasabing PPE.

Sinalo ni Pangulong Rodrigo Duterte si DOH Secretary Francisco Duque III tungkol dito, at pagkaraan ay iniutos sa Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang ibinulgar na “overpriced” ang PPE.

Hindi pa tapos ang anomalyang ito dahil hindi pa natukoy kung sinu-sino ang mga opisyal sa DOH at mga ganid na negoyante ang gumawa ng krimen, ngunit ayon kay Senador Francis Pangilinan, mayroon na namang korapsyon sa PPE.

Sabi ni Pangilinan: “Mukhang ginagamit pa ng mga halang ang bituka ang DBM (Department of Budget and Management) Procurement Service para nakawin din ang bilyun-bilyong pera ng taumbayan na nakalaan para sa PPE.”

Mayroong naaamoy na ‘mabahong isda’ ang senador sa pag-angkat ng PPE dahil pinababayaan ito ng pamahalaan, samantalang isinusulong ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kampanyang bilhin ang mga produktong gawa ng mga Filipino.

Kaya muling itinanong ni Pangilinan kung “Sino ang kumikita sa imported at overpriced na PPE?”

Ilang buwan na ang nakalipas, ibinunyag ni Senador Richard Gordon na matagal nang napakaraming sindikato sa DOH.

Wala pang imbestigasyon hinggil dito ang Senado. (NELSON S. BADILLA)

169

Related posts

Leave a Comment