IKINASA ni Senador Risa Hontiveros ang isang resolusyon upang paimbestigahan kung may sabwatan ang ilang tiwaling opisyal ng administrasyon sa China hinggil sa pagtatayo ng artificial island sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kailangan malaman ng publiko kung may kasangkot na Filipino sa pagtatayo ng isla upang mapanagot ang sinomang indibiduwal o grupo.
“May sabwatan ba ang mga opisyal ng gobyerno, sinomang indibidwal, o mga grupo sa Pilipinas sa patuloy na pagtatayo ng artificial islands at military installations ng Tsina sa mga isla natin?,” ayon kay Hontiveros.
Nakatakda ito sa Senate Resolution No. 509 na may layunin na paimbestigahan ang posibleng sabwatan ng ilan sa pagtatayo ng artificial island ng China sa WPS.
“It’s been recently revealed that Chinese companies that participate in the building of military islands in the West Philippine Sea have projects with the Philippine government, so it is not hard to
suspect dubious engagement by either party. Ano pa ang hindi natin alam? Iyan ang gusto natin imbestigahan at maitigil,” ayon sa senador.
Sinabi pa ni Hontiveros na patuloy ang militarisasyon sa WPS sa pamamagitan ng pagtatayo ng long-range sensor rays, port facilities, runways, bunkers para sa gatong at armas, at barracks ng sundalo sa mga artificial island.
“It is alarming that the island bases have put the Philippine archipelago within range of Chinese combat aircraft and bombers. This is a clear threat to our national security. Ang mga artificial
islands na ito ay ginagawa ring outpost ng mga Chinese maritime militia na nangha-harass ng mga mangingisdang Pilipino,” aniya.
“Hindi lang seguridad ng ating bansa ang nasa panganib, pati na rin ang buhay at hanapbuhay ng ating mga mangingisda,” dagdag ng senador.
Malaki ang hinala ni Hontiveros na galing sa Pilipinas ang mga lupa, buhangin at iba pang materyales na ginamit sa isla. (ESTONG REYES)
246
