Ugat ng korapsyon dapat unahin ni Gierran ALL CASE RATE, IRM IBASURA – DEFENSOR

DAPAT unahin ng bagong pangulo at CEO ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na si Dante Gierran ang pagbasura sa all case rate na pinag-ugatan umano ng malalang katiwalian sa nasabing ahensya.

Ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kailangang alisin ni Gierran ang all case rate policy na sinimulang ipatupad ng PhilHealth noong 2013 dahil lumala umano ang katiwalian dahil sa polisiyang ito.

“These package rates are the root of all evil and corruption in PhilHealth,” ani Defensor.

Magugunita na lumabas sa imbestigasyon ng House committee on public account na pinamumunuan ni Defensor na simula noong 2013 hanggang 2018 ay umaabot sa P154 bilyon ang nawalang pondo dahil sa all case rate policy kung saan P102 bilyon dito ay nawala sa overpayment at mahigit P52 bilyon naman ang nauwi sa katiwalian.

PINABORAN

Samantala, inayunan naman ni Defensor ang pagpapasibak ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga regional vice president ng PhilHealth dahil sila ang dahilan ng mga overpayment kaya nawalan ng P102 bilyon ang ahensya sa loob ng anim na taon.

“The PhilHealth has Area Vice Presidents and Regional Vice Presidents. The President is correct in removing them pending investigation. Those are the positions consistently being reported as making overpayments by the Commision on Audit,” ani Defensor.

Naniniwala ang mambabatas na hindi maaapektuhan ang operasyon ng PhilHealth kapag nawala ang mga RVP.

“However, we need to give the leadership of PhilHealth enough powers to ensure that the current audit they are undertaking including the legal cases to be filed are well studied and faultless. Finance and the medical aspect of PhilHealth are significant concerns that require serious assistance,” ani Defensor.

Kasabay nito, tiniyak ng mambabatas na tutulong ang Kongreso para masugpo ang katiwalian sa state insurer upang hindi madiskaril ang pagbibigay ng universal healthcare sa lahat ng mga Filipino.

Kaugnay nito, umaasa rin si Defensor na gagamitin nang maayos ng bagong liderato ng PhilHealth ang P71.3 bilyon na subsidy ng gobyerno.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos italaga ni Pangulong Duterte si dating NBI Director Dante Gierran bilang bagong PhilHealth President and CEO.

Ang nasabing pondo ay nakapaloob sa 2021 national budget na nagkakahalaga ng P4.5 trilyon na isinumite ng Palasyo ng Malacañang sa mababang kapulungan ng Kongreso.

BUDGET ILALABAN

Samantala, tiniyak ni Defensor na ilalaban nila ang pondo ng Lung Center of the Philippines at Philippine Children’s Medical Center (PCMC) matapos bawasan ang kanilang pondo sa 2021 imbes na dagdagan.

Ayon kay nabawasan ng P12 milyon ang pondo ng Lung Center dahil mula sa P417 milyon ngayong 2020 ay magiging P405 milyon na lamang sa 2021 habang bumaba naman ng P158 milyon ang pondo ng PCMC dahil magiging P1.042 bilyon na lamang ito mula sa P1.2 bilyon. (BERNARD TAGUINOD)

173

Related posts

Leave a Comment